Isang mobile application na tinatawag na Crabifier ang maaaring makatukoy sa ‘species’ o uri ng alimango kahit ito ay bata pa o nasa sa ‘juvenile stage.’
Ang mobile app ay ginawa ng Technologies for Biodiversity Use and Conservation (TechBiodive) Unit ng De La Salle University (DLSU).
Ang Crabifier ay isa sa mga nagawa ng proyektong, “Integrating Genomics with Image Analysis and Geographic Information System Technology (GIS) for Improved Rearing of Mudcrabs” na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
‘Open-access’ o maaaring magamit ng kahit sino ang Crabifier para uriin ang mga alimango, partikular ang ‘king crab’ at dalawa pang uri ng alimango. Bukod dito, makatutulong ang Crabifier sa mga magsasaka upang tumaas ang produksyon sa mga alagaan ng alimango; mabawasan ang mga namamatay na batang alimango pagkatapos ito anihin; at pataasin ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pag-uuri ng mga alimango.
Nabuo ang Crabifier sa pamamagitan ng paglikom ng mga datos ng DNA markers, datos na may ‘image analysis,’ at ‘mobile computing’ na naisagawa sa pakikipagtulungan ng Practical Genomics Lab (PGL) sa DLSU.
Ang pangkat na gumawa ng Crabifier ay pinangungunahan ni Dr. Ma. Carmen Ablan-Lagman at Dr. Chona Camille Vince Cruz-Abeledo ng DLSU kasama ang mga eksperto ng Southeast Asian Fisheries Development Center (SEAFDEC) na sina Dr. Ma. Rowena Eguia, Ms. Ann Francesca Laguna, at Ms. Courtney Anne Ngo.
Maaaring i-download ang Crabifier app mula sa Google Play.