Ang mga nag-aalaga ng tilapya sa Luzon ay makikinabang sa ‘aquashade technology,’ na nakapagpapababa ng temperatura ng tubig ng mahigit sa 3°C. Ang pagbaba ng temperatura ay makapagpapataas ng pangingitlog ng mga tilapya pati na rin ang produksyon ng ‘fingerlings’ at ‘fry’ ng mahigit sa 100% sa ‘pond’ o sa ‘hapa.’ Ang hapa ay isang lambat na hinugis na parihaba at nagsisilbing kulungan ng mga tilapya sa isang parte ng pond.
Ang aquashade technology ay gumagamit ng lambat na itinatabing sa itaas ng pond upang magbigay ng lilim sa alagaan ng tilapya lalo na sa panahon ng tag-init. Ito ay makatutulong na maiwasan ang tumataas na temperature ng tubig lalo na sa panahon ng tag-init nang hindi maapektuhan ang pagpaparami ng tilapya sa bansa.
Sinubukan ang aquashade technology sa pitong alagaan ng tilapya sa Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac. Dalawang alagaan ng tilapia – ang R2M Aquafarm sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecjia at BLim Tilapia Hatchery sa Guaga, Pampanga ang nakapagtala ng pagtaas ng ‘fingerling production.’ Tumaas ng 150% ang produksyon ng fingerlings sa alagaan na gumamit ng aquashade kumpara sa 61% sa alagaan na hindi gumamit ng aquashade.
Ang teknolohiyang ito ay napag-aralan at sinubukan sa pamamagitan ng proyektong, “Promotion of Aquashade Technology in Luzon to Increase Low Nile Tilapia Seed Production During Warm Months,” na isinagawa ng Central Luzon State University (CLSU). Pinondohan naman at sinubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nasabing proyekto.