Isang pasilidad para sa pagpaparami ng mga katutubong puno sa Pilipinas ang itinayo ng Quirino State University (QSU). Ang pasilidad ay mayroong ‘hedge garden’ ng piling mga uri ng puno upang ito ay maparami sa pamamagitan ng ‘clonal propagation.’
Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng proyektong, “Development of Clonal Propagation Protocols for Native Forest and Fruit-Bearing Tree Species of Quirino and Nearby Provinces” pinangungunahan ni Dr. Edgar Benabise, isang propesor sa QSU.
Ayon kay Benabise, ang mga kasama sa proyekto ay sinanay sa ‘macro-somatic clonal propagation,’ isang pamamaraan ng pagpaparami at pagpapalaki ng pananim na puno nang mas mabilis at mas epektibo kumpara sa tradisyonal na pamamaraan ng pagtatanim.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sa pamamagitan ng pondo, nakagawa ng isang ‘hardening nursery’ at ‘hedge garden’ na may mga punla ng mga piling uri ng katutubong puno gaya ng bignai, kamagong, bani, bolong-eta, anabiong, at lubeg. Kinolekta at siniguradong na-‘sterilize’ ang mga ‘rooting medium’ para sa unang apat na ‘chambers’ na ginagamit para sa pagpaparami ng ‘cloned cuttings.’
Kasalukuyang tinitipon ng mga nangangasiwa ng proyekto ang mga datos upang matukoy kung ano ang parteng pinakamagandang pagkunan ng ‘cutting’ na makapagtataas ng ‘survival rate’ at pagpapa-ugat ng iba’t ibang klase ng cuttings ng mga katutubong puno.