MAGALANG, Pampanga – Tatlong sentro ng research and development (R&D) para sa sampalok, patatas, at kamote ang itinatag sa ilalim ng Niche Centers in the Regions for Research and Development (NICER) Program ng Department of Science and Technology (DOST).
Sa pangunguna ni Dr. Edna A. Anit, Direktor ng Crops Research Division (CRD) ng DOST - Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), isinagawa ang inception meeting ng tatlong programa upang maging mas maunawaan ang mga layunin, aktibidad, at mga inaasahang ‘output’ ng programa base sa napagkasunduang ‘workplan. Ayon kay Dr. Anit, ang Niche Centers ay hindi lamang makapagpapataas ng kalidad ng pananaliksik sa bawat institusyon, kundi makapagpapabuti at makatutulong din sa pag-unlad ng buhay at estado ng mga magsasaka.
Ang NICER program ay inilunsad noong 2017 sa ilalim ng DOST Accelerated R&D Program for Capacity Building of Research and Development Institutions and Industrial Competitiveness of the Science for Change o S4C. Ito ay naglalayong magbigay ng ‘institutional grants’ para mapaunlad ang mga pangrehiyong pananaliksik ng higher education institutions (HEIs) at mabigyan ng pantay na kapasidad sa R&D ang bawat rehiyon ng bansa.
Ang NICER Program para sa sampalok o ‘Tamarind R&D Center’ ay nasa Pampanga State Agricultural University (PSAU). Ang PSAU ay nangunguna sa pananaliksik tungkol sa sampalok at nakapagrehistro ng unang barayti ng matamis na sampalok sa bansa na pinangalanang ‘Aglibut Sweet.’ Ang nasabing R&D Center ay nakatuon sa ‘genomic characterization’ ng matamis at maasim na sampalok, pagbuo ng mga estratehiya sa produksyon na nakabase sa agham at teknolohiya, at pagsusuri ng value chain at marketing ng sampalok. Ang programa ay pangungunahan ni Dr. Virgilio DM. Gonzales, dekano ng College of Agriculture and Systems Technology (CAST) sa PSAU.
Samantala, pangungunahan naman ni Direktor Cynthia G. Kiswa ng Northern Philippines Rootcrops Research and Training Center (NPRCRTC) ng Benguet State University(BSU), ang implementasyon ng NICER Program para sa patatas na pinamagatang “Potato R&D Center.” Bilang nangununang unibersidad sa pananaliksik sa patatas, nakapagsagawa na ang BSU ng mga pananaliksik tungo sa ‘sustainable’ na produksyon ng patatas sa bansa, sa tulong ng International Potato Center (CIP) mula pa noong huling bahagi ng 1990s. Alinsunod sa Industry Strategic S&T Program (ISP) for Vegetables, ang Potato R&D Center ay magbibigay-tuon sa pagpapaunlad ng ‘potato integrated crop management system’ para sa pagkontrol o pagsugpo sa mga pangunahing peste ng patatas, pagpapahusay ng ‘micropropagation system’ ng patatas, at pagpapabuti ng ‘aeroponics’ at ‘storage techniques’ para sa produksyon ng ‘potato foundation seeds.’
Ang Sweetpotato R&D Center naman ay itinatag sa Tarlac Agricultural University (TAU) sa ilalim ng pangkalahatang pamamahala ni Dr. Lilibeth B. Laranang, Direktor ng Rootcrops Research and Training Center sa TAU. Si Dr. Laranang at kanyang grupo ay mag-ooptimisa ng produksyon ng malinis na pananim, maglilinang ng ‘spatial information’ ng kamote sa Gitnang Luzon, at bubuo ng ‘integrated crop management program’ para sa kamote. Tutugunan ng nasabing R&D Center ang problema ng limitadong suplay ng malinis na pananim at kakulangan ng estratehiya para sa ‘climate-smart crop management’ ng kamote.
Ang implementasyon ng Tamarind at Potato R&D Centers ay isasagawa sa loob ng tatlong taon habang ang sa Sweetpotato R&D Center ay magtatagal ng dalawang taon. Matapos pagtibayin ang pagkakatatag ng mga ito, ang mga nasabing niche centers for R&D naman ang tutulong upang bigyang kapasidad ang ibang institusyon na nananaliksik din sa sampalok, patatas, at kamote.
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan din nina G. Rolando S. Corpuz, Section Head ng Monitoring and Program-based Information System ng CRD; Dr. Honorio M. Soriano, Presidente ng PSAU; Dr. Fe L. Porciuncula, Direktor ng Central Luzon Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development Consortium (CLAARRDEC); mga program leader at project staff ng tatlong NICER Programs; iba pang mga miyembro ng CRD; sina G. Wilfredo F. Sibal, DOST-Region 3 Asst. Regional Director for Technical Operations, at mga kinatawan mula DOST Central Office sa pangunguna ni G. Gilbert M. Poralan, Jr.