Philippine Standard Time

Nominasyon para sa Pantas at Tanglaw Awards ng PCAARRD, bukas na

Ikaw ba ay isang siyentista, mananaliksik, o ‘research administrator’? Kabilang ka ba sa isang institusyon na malaki ang kontribusyon sa pag-unlad ng pagsasaliksik sa industriya ng agrikultura, akwatiko, at likas na yaman sa Pilipinas? Ikaw o ang institusyon na iyong kinabibilangan ay maaaring sumunod na magawaran ng Pantas at Tanglaw award. 

Binuksan na ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nominasyon para sa nasabing mga parangal. 

Kinikilala ng Pantas award ang mga natatanging siyentista, mananaliksik, at mga ‘research administrators’ samantalang kinikilala ng Tanglaw award ang mga natatanging institusyon na nagsasagawa ng mga pananaliksik. 

Ang mga kinakailangang dokumento para sa nominasyon ay pitong kopya ng ‘nomination forms’ na may paliwanag kung bakit karapat-dapat maging nominado, kumpletong ‘biodata,’ at iba pang dokumentong susuporta sa nominasyon. Ang mga dokumentong ito ay ipapasa sa Office of the Executive Director, PCAARRD, Los Baños, Laguna hanggang January 15, 2019. Maaaring i-download ang mga ‘nomination forms’ at mabasa ang mga patnubay sa nominasyon sa www.pcaarrd.dost.gov.ph

Ang mga mananalo ay makatatanggap ng ‘cash prize,’ ‘research grant’ para sa ‘outstanding researcher/scientist and institution,’ tropeo, at makakabilang sa iba pang ‘awardees’ tulad ng Benguet State University (BSU) na tumanggap ng Tanglaw Award noong 2017 at si Dr. Porfirio M. Aliño ng UP-Marine Science Institute (MSI), at Dr. William C. Medrano ng Isabela State University na tumanggap ng Pantas Award noong nasabing taon.