Philippine Standard Time

NVSU nagdebelop ng ‘database system’ para sa citrus

Ang Citrus Genetic Resources Information System (CitRIS), isang ‘online database system’ na naglalaman ng mga impormasyon tungkol sa koleksyon ng citrus ay inilunsad kamakailan lang. Ito ay denebelop ng Nueva Vizcaya State University (NVSU) upang mas pagtibayin ang pangangalaga ng ‘genetic resources’ ng citrus sa bansa. Ang CitRIS ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development na ahensya ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Ang CitRIS o (http://citrusproject.nvsu.edu.ph) ay binuo ng Philippine Citrus Resources Development Center (PCRDC) ng NVSU. Layunin nitong magbigay impormasyon sa mga katangian ng bawat barayti ng citrus na nasa pangangalaga ng NVSU. Sa ngayon, ito ay naglalaman ng impormasyong tungkol sa 76 ‘accessions’ na nagmula sa pitong probinsya sa bansa.

Isa rin sa layunin ng PCRDC ang maitaguyod ang pagkokonserba ng mga genetic resources ng citrus. Ang pag-aaral ukol dito ay magagamit upang mapadali ang pag-angkop ng bunga nito sa iba’t-ibang klima ng magkakaibang parte ng Pilipinas. Ito rin ay makatutulong sa mga nagtatanim ng citrus upang malaman kung anong barayti ang naaangkop itanim sa kanilang lugar.

Sa kasalukuyan, ang PCRDC ay mayroon nang 1,300 na ‘mother trees’ sa kanilang ‘screenhouse’ o lugar na pinaglalagakan ng citrus. Isa rin sa layunin ng kanilang proyekto ang mangolekta ng ‘citrus germplasm’ sa iba’t-ibang parte ng bansa at pag-aralan ang bawat isa nito.

Isa rin sa ilalaman ng CitRIS ay ang mga ‘e-publication’ at mga ‘journal’ na may kinalaman sa citrus. Ang mga materyales na ito ay maaaring maibahagi sa mga nais mag-aral tungkol sa citrus. Ang PCRDC ay nakapaglathala na ng mga palatuntunan na tinatawag na “KATAS ng CITRUS.” Ang unang isyu nito ay naglalaman ng mga suhestiyon ukol sa tamang pangangalaga upang mapataas ang produksyon ng mandarin at pangangalaga naman ng calamansi para sa pangalawang isyu.

Dumalo naman ang mga empleyado ng PCRDC sa mga pagsasanay kaugnay ng paggamit ng tamang paglalarawan ng citrus at mga pamantayan sa pangongolekta ng mga ito. Ang mga pagsasanay ay isinagawa sa Institute of Crop Science (ICrops) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB).