Ang mga ‘Persons Deprived of Liberty’ (PDLs) na malapit nang lumaya mula sa minimum security compound (MinSeCom) ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa ay binibigyan ng pagkakataong makapag-alaga ng mga ‘broiler’ at ‘layer’ bilang alternatibong pagkukuhanan ng pagkain at maaaring pagkakitaan.
Ito ay tinalakay sa isang seminar na ginanap sa MinSeCom ng BuCor, Muntinlupa. Ang seminar ay tungkol sa produksyon at pangangalaga ng broiler at layer na manok.
Ang seminar ay inorganisa ng Livestock Research Division (LRD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ginanap noong ika-4 ng Marso ngayong taon. Lumahok ang mga opisyal at PDL mula sa minimum security facility ng BuCor.
Ang BuCor MinSeCom ng Muntinlupa ang isa sa natukoy na ‘site’ ng proyektong, "Assessment of the technical and economic feasibility of village-scale chicken meat and egg production system" na sinusuportahan ng DOST-PCAARRD.
Umaasa ang proyekto na makapaglunsad ng isang kapaki-pakinabang at ‘sustainable’ na ‘village-scale’ na sistema ng produksyon ng karne at itlog ng manok. Ito ay upang masiguro ang pagkakaroon ng pagkain sa mga komunidad sa oras ng mga kagipitang pangkalusugan at iba pang kalamidad.
Bilang panimula, ang DOST-PCAARRD ay magbibigay ng tatlong ‘batch’ ng broiler na binubuo ng 1,800 na sisiw kada batch pati na rin ang 384 na mga paitluging manok sa edad na maaari nang mangitlog.
Maglalaan din ang DOST-PCAARRD ng ‘feather plucker machine,’ ‘chiller,’ ‘freezer,’ pakain sa manok, at mga kulungan ng manok bilang suporta sa production at postharvest.
Ang mga kulungan ng manok ay ilalagay sa loob ng 10 hektaryang lupaing pang-agrikultura ng MinSeCom.
Ayon kay Supt. Sheroky T. Bilibli, officer-in-charge ng work and livelihood program ng MinSeCom, ang nasabing lupain ay planong idebelop at gawing “MinSeCom agricultural ecotourism and business center.”
Dagdag ni Bilibli, 70% ng kikitain sa pagaalaga ng manok ay direktang mapupunta sa mga PDL, 20% ay gagamitin sa pagpapanatili ng lugar, at 10% ay gagamitin para sa commissary ng MinSeCom.
Binigyang diin ni Dr. Synan S. Baguio, direktor ng LRD-PCAARRD, na bukod sa pagbibigay ng tulong at kaalaman, umaasa rin ang PCAARRD na matuto mula sa magiging karanasan sa proyekto ng mga benepisyaryo.
Ang nasabing proyekto ay inisyatibo sa ilalim ng Manok at Itlog sa Pamayanan na proyekto ng programang GALING-PCAARRD Kontra COVID-19 ng DOST-PCAARRD.