Nakakalap ng datos ang Cavite State University (CvSU) tungkol sa ‘antimicrobial resistance’ (AMR) ng ‘broiler chicken’ na may organismong nagdudulot ng sakit gaya ng Escherichia coli (APEC) at Salmonella enterica. Ang AMR ang nagiging dahilan kung bakit hindi na umeepekto ang mga antibiotics sa mga organismong nabanggit.
Ayon kay Dr. Ma. Cynthia Rundina-Dela Cruz, ang project leader at pangunahing may-akda ng proyektong, “Antibiotic Sensitivity Profile and Dominant Antibiotic Resistance Genes in Selected Avian Bacterial Pathogens from Commercial Poultry Farms in Upland Cavite,” ang datos tungkol sa hene ng AMR sa organismong APEC at S. enterica ay makatutulong upang matugunan ang hamon at mapanatili ang produksyon ng broiler chicken sa bansa.
Nagkakaroon lamang ng AMR kung ang mga antibiotics ay ginagamit nang sobra o ginagamit bilang ‘growth promoter’ o pampataba sa broiler chicken. Dahil sa AMR, maaaring maipasa sa mga tao ang ‘pathogen’ na makukuha sa kontaminadong karne ng manok na may APEC at S. enterica. Kapag nakakain ang tao ng mga kontaminadong karne ng manok, maaari itong makapagdulot ng impeksyon sa bituka, gastroenteritis, at ang pinaka-malala ay ang pagkamatay.
Natuklasan ng proyekto na ang pinakamataas na paglaganap ng APEC ay matatagpuan sa Tambo Malaki, Indang, Cavite. Samantala, ang pinakamataas na naitala na paglaganap ng S. enterica ay makikita sa Litlit, Silang, Cavite. Naitala rin sa Tambo Malaki ang paggamit ng trimethoprim-sulfamethoxazole (TMPS) na karaniwang ginagamit upang gamutin ang Salmonellosis.
Nalaman ng proyekto na ang mga ‘isolates’ ng manok na nahawaan ng S. enterica ay nagpakita ng paglaban o ‘resistance’ sa mga antibiotics na ito: azithromycin, cephalothin, TMPS, tetracycline, amoxicillin-clavulanic acid, ciprofloxacin, doxycycline, at kanamycin.
Bukod sa hindi tamang paggamit ng mga antibiotics, natukoy din ni Dr. Rundina-Dela Cruz na ang hindi striktong pagpapatupad ng ‘biosecurity protocols’ ang nagiging dahilan ng pagkalat ng mga pathogens sa manukan.
Upang matugunan ang hamon ng AMR, inirekomenda ng proyekto ang tamang paggamit ng mga antibiotics sa mga nag-aalaga ng manok, mga veterinarians, at sa publiko.