Nabigyan ng pag-asa ang ilang lugar sa Mindanao sa pamamagitan ng pagpapalawig ng agrikultura. Ito ay ang mga lugar na matatagpuan sa South Cotabato, Maguindanao, at Zamboanga Sibugay, ay nabibilang sa mga ‘conflict,’ mababang antas ng pamumuhay, at ‘geographically isolated’ o mahirap marating ng transportasyon.
Binigyang pansin ng University of the Philippines Mindanao ang mga nasabing komunidad, sa pangunguna ni Dr. Emma Ruth V. Bayogan sa proyekto nitong, “Livelihood Improvement through Facilitated Extension (LIFE) Model.” Ito ay nagkamit ng unang karangalan sa kategoryang, “Best Development Paper,” sa National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD).
Ang LIFE Model ay binuo ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR), Mindanao Agricultural Extension Project (AMAEP) at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Nagsimula ang proyekto noong 2013 kung saan binuo ang LIFE model upang paangatin ang kabuhayan at pamumuhay ng mga nakatira sa Mindanao. Ang mga probinsya ng Zamboanga Sibugay, Maguindanao, at South Cotabato ay inisyal na napili para sa proyekto at noong 2017 ay mas pinalawak ito sa 10 pang mga lugar na pag-aalayan ng programang “Enhancing Livelihood Opportunities in Conflict-Vulnerable Areas in Mindanao through the LIFE Model.”
Malaki ang ambag ng LIFE Model sa pag-aangat ng kabuhayan ng mga magsasaka, ayon kay Dr. Bayogan. Nakitaan ang mga kalahok sa programang ito ng pagkakaroon ng mga samahan ng mga magsasaka na siyang nagtutulung-tulong upang paangatin ang kabuhayan ng isa’t-isa, hikayatin ang bawat isang makilahok sa mga aktibidad, at palawakin pa lalo ang mga koneksyon ng mga ito.
Sa South Cotabato at Maguindanao, natutunan ng mga kalahok ang pagpapalaki at pag-aalaga ng gulay samantalang sa Zamboanga Sibugay, ay pinalawak naman ang kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa pag-aalaga ng damong-dagat at pagtatanim ng talong at kamatis gamit ang mga ‘containers’ o sisidlan.
Dagdag kita mula sa 31 na porsyento (%) na naging 89% naman ang hatid ng produksyon ng gulay sa mga kalahok sa programang ito. Nagbigay-daan rin ito upang masiguro ang sapat na suplay ng pagkain sa mga komunidad. Pinabuti rin ang kabuhayan sa komunidad sa pamamagitan ng produksyon ng mga gawang-kamay na produkto; mga produktong pagkain gaya ng banana chips, taro at seaweed crackers, at pagpapalaki at pag-aalaga ng tilapya at hayop.
Isa rin sa nagawa ng proyekto ay ang pagbabahagi ng kaalaman ng mga magsasaka mismo sa pamamagitan ng 'Farmers’ Field School trainings' kasama ang mga kasapi nilang mga magsasaka at mga kamag-anak. Umangat din ang kaalaman ng mga magsasaka sa pamamahala ng basura at paggamit ng ilang teknolohiya.
Naipamalas ang diwa ng bayanihan sa komunidad sa pamamagitan ng LIFE Model.
Ang mga miyembro ng komunidad ay aktibong nagtulung-tulong, namahagi ng labis na aning gulay at 'relief packs' na naglalaman ng bigas, butong pananim, tuyong isda, at gulay na siya ring ipinamahagi ng proyekto.
Patuloy namang isinasakatuparan ang mga pangkabuhayang aktibidad. Namili ng mga punla para sa paunang produksyon ng damong-dagat at ipinagpatuloy ang mga produktong gawang-kamay. Lahat ng ito ay malaki ang naitulong sa komunidad lalo na sa gitna ng pandemya.
Pinatunayan ng LIFE Model na ang maganda at maayos na relasyon sa loob ng isang komunidad ay nakahihikayat sa mga taong makilahok sa iba’t-ibang gawaing pangkabuhayan. Ang mga inilaan namang mga teknolohiya ay inaasahan na mapataas ang kita sa mga negosyo, magkaroon ng sari-saring kabuhayan, at maitaguyod ang isang komunidad na payapa at may sapat na suplay ng pagkain mula sa agrikultura, akwatika at likas na yaman.