Pinangangambahan ang pagkaubos ng isdang tawilis na matatagpuan lamang sa lawa ng Taal. Ang Sardinella tawilis na tinatawag na tawilis sa lokal na pangalan ay nanganganib nang maubos dahil sa labis na panghuhuli dito at dahil din sa bantang dala ng pagsabog ng bulkang Taal.
Naglunsad ng proyekto ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ang University of the Philippines Los Banos Limnological Station (UPLB-LS) upang ma-konserba,’ maparami, at maalagaan ang isdang tawilis sa labas ng natural nitong tirahan, ang lawa ng Taal.
Ang proyektong “Fish Ark Project for Taal Lake: Direction for Conservation of the endemic freshwater fish Sardinella tawilis” ay naglalayong maging daan upang mapag-aralan ang tamang paghuli sa isdang tawilis at kalaunan ay maparami at malayo ito sa panganib ng pagkawala.
Kilala ang isdang tawilis bilang napaka-sensitibong isda at mahirap buhayin kung aalisin ito sa natural nitong tirahan. Ang mga pag-aaral na ginawa ng proyekto ay makatutulong malaman ang tamang proseso ng pangongolekta at pag-aalaga ng mga ito sa labas ng lawa ng Taal.
Sa kasalukuyan, matagumpay na nailipat ang ilan sa mga isdang tawilis sa UPLB Limnological Station sa Mayondon, Los Baños, Laguna kung saan inoobersahan ang mga ito at pinararami. Malaki ang magiging ambag ng pag-aaral na ito kung ang mga tawilis ay maaaring mabuhay at maparami sa labas ng lawa ng Taal.