Philippine Standard Time

Pagbuo ng ‘combined mechanical demucilager-fermenter-dryer’ para sa kakaw, sinimulan na

Pinaplano na ang pagbuo ng ‘demucilager-fermenter-dryer’ para sa kakaw. Ito ay sa tulong ng bagong-aprubadong proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Ang proyektong, “Design, Development and Optimization of an Automated Combined Mechanical Demucilager-Fermenter-Dryer for Cacao,” ay magdidisenyo at bubuo ng makinang may tatlong gamit o operasyon. Ang implementasyon nito ay isasagawa sa loob ng dalawa at kalahating taon ng University of Southeastern Philippines (USeP), Tagum-Mabini Campus sa pangunguna ni Dr. Roger C. Montepio.

 

Nagsagawa kamakailan ng panimulang pagpupulong o ‘inception meeting’ ang Agricultural Resources Management Research Division (ARMRD) ng DOST-PCAARRD at USeP Tagum-Mabini Campus. Idinaos ang pulong upang magkaroon ang mga kasama sa proyekto ng iisang pagkaunawa sa mga layunin, inaasahang mga produkto, resulta, at mga usaping may kinalaman sa Intellectual Property Rights.

Ayon kay Dr. Montepio, makatutulong ang kanilang proyekto sa pagpapalakas ng industriya ng kakaw. Bukod sa pagpapataas ng bilang at kalidad ng ani, makatutulong rin ito sa mga manggagawa, magsasaka, at tagapag-proseso ng kakaw.

Ilan sa inaasahang benipisyo mula sa proyekto ay ang matitipid sa oras ng operasyon, paggawa, at pati na rin sa espasyong pinagta-trabahuhan dahil sa pagsasama ng tatlong ‘postharvest operations’ sa iisang makina.

Makababawas rin sa gastos ng ‘postharvest operations’ na magreresulta naman sa dagdag na kita sa neto o ‘net return.’ Magkakaroon rin ng mga ‘value-added’ na produkto mula sa pagpro-proseso ng kakaw tulad ng suka, jam, ethanol, at iba pang bagay mula sa makokolektang ‘sanitary mucilage.’