Gagamitin ang potensyal ng dayami bilang materyal para sa paggawa ng mga pakete o lagayan ng bigas at iba pang pagkain. Ito ay kaugnay ng isang proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang dayami, na naiipon sa pag-ani ng palay, ay karaniwang sinusunog. Ang pagsusunog na ito ay nagdudulot ng polusyon sa hangin na makasasama sa kalusugan ng tao.
Pag-aaralan sa proyekto ang dayami o kombinasyon nito sa ibang nabubulok na materyales upang makagawa ng ‘eco-friendly process’ sa paggawa ng mga “packaging materials.”
Ang proyekto ay isinasagawa ng Iloilo Science and Technology University (ISaTU) sa La Paz, Iloilo City. Ito ay may pamagat na “Development of Green Packaging Technology Using Eco-friendly Materials for Rice and other Commodities.” Bubuo ang nasabing proyekto ng isang “environment-friendly process protocol.”
Sa pamamagitan ng nasabing protocol, inaasahang tatagal ang bigas sa mga paketeng materyales. Inaasahan din na mabawasan ang paggamit ng mga kemikal na makakasama sa kalusugan ng tao pati na rin sa “carbon emissions.” Ilang pagsubok ang isasagawa hanggang maging matibay, “moisture-resistant,” at abot-kaya ang mga magagawang paketeng materyales.
Plano ng ISaTU na makipagtulungan sa Zarraga Integrated Diversified Organic Farmers Association (ZIDOFA) para maisakatuparan ang proyekto.
Makatutulong ang proyektong ito sa mga mamimili at mga magsasaka na nagtatanim ng organikong palay at iba pang “specialty rice.”
Pagkatapos ng proyekto, magsusumite ang mga mananaliksik at mga imbentor ng ISaTU ng “patent application” para sa proseso at produkto ng kanilang pananaliksik.
Sa proyektong ito, inaasahang magkakaroon ang PCAARRD ng solusyon kung paano mangasiwa ng basura sa mga palayan sa pamamagitan ng mga makabagong produkto at mga proseso na maituturing na ‘eco-friendly.’