Maaari nang anihin ang puno ng falcata at yemane sa mas maikling taon o kalahati ng karaniwang edad na inaani ang mga ito. Ito ay bunga ng isang proyekto ng Forest Products Research and Development Institute ng Department of Science and Technology (DOST-FPRDI).
Ang nasabing proyekto na pinangunahan ni Dr. Marina A. Alipon ay pinag-aralan ang mga katangiang ‘physico-mechanical’ at pang-‘veneer’ ng mga batang puno ng falcata at yemane. Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang falcata, Falcataria moluccana (Miq.) Barneby & J W. Grimes ay isang punong karaniwang itinatanim sa rehiyon ng Caragaat ginagamit sa paggawa ng ‘sash,’ pinto, ‘panel cores,’ ‘wall boards,’ at ‘veneers.’
Samantala, ang yemane, Gmelina arborea ay itinuturing na ‘general-purpose wood’ na karaniwang ginagamit bilang ‘plywood,’ ‘blackboard,’ ‘frame core,’ at ‘cross band’ ng ‘flush door shutters.’ Dahil magaan at matibay ang kahoy na ito, ito ay karaniwang ginagamit sa pag-gawa ng pinto, ‘window panel,’ at sa mga ‘joinery.’ Ito rin ay ginagamit sa pag-gawa ng muwebles gaya ng ‘drawers,’ ‘wardrobe,’ ‘cupboard,’ mga kagamitan sa kusina, pag-‘camp,’ at pang musika.
Ayon sa resulta ng pananaliksik, ang kahoy ng falcata at yemane ay maaaring gamitin kung hindi batayan ang tibay at tigas nito. Imbis na maghintay ng 8-12 taon, ang falcata ay maaari nang anihin kapag ito ay apat na taong gulang na at may 16 cm na dyametro. Samantala ang falcata ay maaaring anihin kapag ito ay anim na taong gulang at may 16.3 cm na dyametro.
Ayon kay Dr. Alipon, importante ang kalidad ng binhi ng halaman sa pag-ani ng falcata at yemane sa murang edad. Ang mga binhing may mataas na kalidad ay napag-alaman na nakakapag-prodyus ng mas mabilis lumaking falcata at yemane.
Ang mga binhing mataas ang kalidad ay maaaring makuha sa Mindanao Tree Seed Center (MTSC), Ito ay nagsusuplay ng kalidad na pananim upang tumaas ang produksyon kasabay ang pangangalaga sa kagubatan. Ang MTSC ay matatagpuan sa Forest and Wetland Research, Development and Extension Center ng Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB-FWRDEC) sa Maharlika, Bislig City sa Surigao del Sur.
Makikinabang ang mga gumagawa ng veneer sa pag-ani ng falcata sa murang edad ngunit baka magresulta sa pagkalugi ang mga nagsasaka at may-ari ng mga plantasyon dahil sa mababang bentahan nito. Kaya naman nirerekomenda ang pag-‘optimize’ ng presyuhan at ng mekanismong komersyal para makinabang ang nagbebenta at bibili nito.
Malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa pagtugon sa mataas na demand ng kahoy sa bansa.