Bilang tugon sa prayoridad ng Conservation International sa pag-konserba ng “Marilog Forest Reserve,” isinulong ng Central Mindanao University (CMU) ang proyektong mangangalaga ng ‘biodiversity’ o saribuhay nito.
Ang Marilog Forest Reserve na matatagpuan sa kabundukan ng Davao City ay may kagubatan na may lawak na higit sa 11,102 ektarya. Ang patuloy na pagdedebelop dito kung saan may mga aktibidad tulad ng pagpuputol ng kahoy, pagsasaka, at pagtatayo ng mga kabahayan, establisyimento, at iba pa ay labis na nagdulot ng panganib sa saribuhay nito.
Ang proyektong ito ay iniulat sa artikulong pinamagatang “Saving the Imperiled Marilog Forests in Southern Mindanao, Philippines: Inventory, Assessment and Conservation for Sustainable Community Utilization” noong National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) at nagwagi ng unang karangalan sa kategoryang 'Best Research Paper.'
Ilan sa mga isinagawa ng proyekto ay ang pag-imbentaryo kabilang ang partisipasyon ng mga ‘stakeholders,’ pagtukoy ng ‘diversity indices,’ pagtaya sa estado ng konserbasyon at ‘endemism’ ng mga saribuhay sa gubat, at pagsagawa ng mga aktibidad pandagdag kakayahan sa limang lugar na nasasakupan ng Marilog Forest Reserve: New Calinan, ‘Mount’ (Mt.). Malambo, Epol, Mt. Ulahingan, at Matigsalug.
Natukoy sa imbentaryo ang higit sa 582 ‘flora species,’ kung saan 91 sa mga ito ay puno at ‘shrubs,’ 317 ay ‘ferns’ at ‘lycophytes,’ at 174 ay ‘angiosperm understory plants.’
Dalawang bagong halaman naman ang naitala sa unang pagkakataon sa Pilipinas - ito ay ang Mitrastemon yamamotoi Makino noong 2018 at Plagiostachys albiflora Ridl. noong 2019. Samantala, isa pang species ng halaman, Astrocalyx calycina (S. Vidal) Merr. ang unang naitala sa naturang kagubatan.
Nakapagtala rin ang proyekto ng 912 ‘fauna species,’ kung saan 204 ay ‘vertebrates’ at 708 ay ‘invertebrates.’
Naidokumento naman ang mga ‘endemic’ o katutubo at ‘threatened’ o nanganganib na mga species kung saan 101 ay endemic flora species, 49 ay threatened flora endemic species, 94 ay endemic fauna species, at 17 ay threatened at endemic fauna species.
Upang mapanatili at maipakilalang muli ang mga nanganganib, katutubo, at ‘economically-important’ na halaman mula sa kagubatan, nagtayo sa Barangay (Brgy.) Datu Salamay ng 'Local Conservation Area' (LCA) at 'Community Economic Garden/Nursery' na siyang tutulong sa pagpapatubo at pagpapanumbalik ng mga halaman at puno. Isang ‘butterfly house’ naman ang itinayo sa Brgy. Baganihan.
Ang Mt. Malambo, na mayroong pinakamaraming komposisyon ng species, ay opisyal na idineklara bilang isang LCA sa pamamagitan ng resolusyon mula sa sangguniang barangay.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng Commission on Higher Education.