Ang ‘Anguillid eels’ o igat o palos ay isang kalakal na mataas ang pangangailangan, lalo na sa Japanese restaurants kung saan isa sa mga putahe nila ang ‘kabayaki’ o inihaw na igat. Sa Pilipinas, ang igat ay mahalaga lalo na sa mga katutubo sa Hilagang parte ng bansa. Matatagpuan ang igat sa Hilagang Luzon, Silangang Luzon, Gitnang Pilipinas, at sa Mindanao.
Lumilipat-lipat ang mga igat mula sa tubig tabang papuntang dagat at nagpapakita ng iba’t ibang yugto sa buhay nito. Nangingitlog ang igat sa dagat at pagkatapos ay nadadala ito ng agos patungo sa napili nitong tirahan. Ang mala-dahong larba nito na tinatawag na ‘leptocephalus,’ ay nagiging ‘glass eels’ at lumalaki bilang ‘elvers.’ Kung ito ay nakapili na ng pirmihang tirahan, ito ay magiging ‘yellow eel’ at ‘silver eel’ kapag sila ay malaki na.
Upang matiyak na mapananatili ang mga igat sa mga ilog ng bansa, isang proyekto ang inilunsad ng Cagayan State University (CSU) Aparri Campus. Pinamagatang, “Species Composition and Seasonality of Eels in the River Systems of Northeastern Luzon,” pinag-aralan ng proyekto ang panahon kung kailan sagana ang igat sa Hilagang Silangang Luzon, pati na ang iba’t ibang yugto ng buhay ng igat, at kung saan madami ang populasyon nito.
Matutulungan ng proyektong ito ang mga lokal na pamahalaan, mga gumagawa ng batas, at mga nangongolekta ng mga glass eel dahil magkakaroon sila ng impormasyon tungkol sa pangisdaan ng igat.
Susubaybayan ng proyekto ang iba’t ibang populasyon ng igat sa Hilagang Silangang Luzon na makatitiyak sa pagpapanatili, pangangalaga, at pangagasiwa ng igat.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).