Philippine Standard Time
Featured

Pagpapaunlad sa industriya ng gabi at mga katutubong pananim, mas pinagbubuti

Kasalukuyang pinag-aaralan ng Central Bicol State University (CBSUA) ang pagsasaayos ng iba’t ibang teknolohiyang makatutulong sa produksyon at pamamahala sa tanim na gabi.

Ang programang, “Boosting the Taro Industry and Indigenous Crops of the Bicol Region,” sa pamumuno ni Dr. Allan B. Del Rosario, ay naglalayong palawakin ang paggamit ng mga katutubong pananim sa Bicol Region sa pamamagitan ng pagdebelop ng mga produkto nito. 

Sa pagbisita ng Crops Research Division (CRD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), inulat ni Dr. Del Rosario na ang ‘field trials’ ng 10 gabi ‘cultivars’ na nakatanim sa mataas at mababang lupain ay malapit nang makumpleto. Natukoy ang potensyal ng mga ‘cultivars’ na ‘Bicol purple’ at ‘Tinahig’ para iparerehistro sa National Seed Industry Council (NSIC) dahil sa magandang kalidad ng mga dahon at lamang-ugat ng mga ito. 

Ang iba’t ibang pamamaraan ng pagproseso sa gabi tulad ng ‘flour processing’ at ‘starch extraction’ ay kasalukuyang mas pinagbubuti ayon kay Rocelyn M. Imperial, ang namumuno sa proyekto. Kasama rin dito ang produksyon ng gatas mula sa gabi at lubi-lubi ‘powder.’ 

Layunin din ng pangkat na isulong ang mga naidokumentong katutubong pananim sa pamamagitan ng paggawa ng mga ‘information, education, and communication (IEC) materials.’