Nagtulungan kamakailan ang Mindanao State University – General Santos City (MSU-GSC) at ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) para sa pinaka-unang “Mindanao Lakes and Rivers Summit” na ginanap sa Sarangani Highlands, Tambler, General Santos City.
Ang pulong ay naglalayong ibahagi ang impormasyon tungkol sa pangangalaga at pangangasiwa ng mga ‘ecosystem’ ng tubig-tabang sa mga siyentipiko at mga mananaliksik na nag-aaral ng ‘limnology’ at ‘potamology.’ Layon din nitong ibahagi ang mga impormasyon na nasabi sa mga lokal na pamahalaan sa Mindanao.
May temang “Mainstreaming Biodiversity Conservation and Management of Lake and River Ecosystems in Mindanao” ang pulong. Ang pulong ay pinangunahan ni Dr. Jaime Namocatcat, ang Summit Convenor at Project Leader ng DOST-PCAARRD Lake Sebu Project.
Dumalo ang 157 na tao na nagmula sa akademya, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga non-government organizations (NGO), pribadong sektor, at lokal na pamahalaan.
Ayon sa mensahe ni Dr. Reynaldo V. Ebora, Acting Executive Director ng DOST-PCAARRD, ang pulong ay magandang pagkakataon upang maibahagi ang mga bagong saliksik pati na rin ang mga karanasan sa pag-aaral ng mga lawa at ilog ng Mindanao. Ayon din sa kanya, maaaring isulong ng consortium ang pag-aalaga at pangagasiwa ng ekosistema ng mga tubig-tabang sa Mindanao.
Ilan sa pangunahing problema na nakakaapekto sa pangangalaga ng ekosistema ng mga tubig-tabang ay ang polusyon, ‘siltation,’ at ‘overfishing.’ Sinabi din ni Dr. Ebora na ang ‘mine tailings’ o ang naiiwan na dumi sa pagmimina pati na rin ang pagguho ng mga lugar kung nasaan ang ‘watershed,’ ang naging dahilan sa pagkasira ng maraming ilog sa bansa.
Ilan sa mga ‘papers’ na inilahad sa pulong ay ang sumusunod:
• “Overview of the 1st Mindanao Lakes Conference” ni Dr. Jaime C. Namocatcat ng MSU-GSC Campus;
• PCAARRD-IARRD’s Program on Lakes ni Dr. Dalisay DG. Fernandez, Direktor ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD;
• “Mind the Gap: Freshwater Research in Mindanao vis-à-vis the Philippines” ni Dr. Francis Magbanua ng University of the Philippines Diliman; at
• “Fish Foraging Habits, Trophic Placement, and Parasite Biodiversity can be Powerful Tools in the Conservation and Management of Fisheries in Philippines Aquaculture Lakes” ni Dr. Jonathan Carlo A. Briones ng University of Santo Tomas (UST).
Ilang mga ‘papers’ din tungkol sa mga lawa at ilog ng Mindanao ang inilahad sa pagpupulong.
Isang paglalagda ng ‘summit declaration’ ang ginanap pati na rin ang pagbisita sa Lake Sebu, Lake Seloton, Lake Lahit, at ang pitong talon sa Lake Sebu, South Cotabato.
Inilahad ni Dr. Camille B. Concepcion-Silvosa, Propesor ng MSU-GSC, ang buod ng pulong. Sinabi nya ang kahalagahan ng pakikipagtulungan upang makamit ang mga inaasahang ‘outputs.’ Sinabi din nya na kinakailangan din ng kadalubhasaan, karanasan, at pagtataguyod ng mga ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DOST, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Environmental Management Bureau (EMB), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Local Government Units (LGUs), at mga ‘academic institutions’ upang umunlad ang pag-aaral ng siyensya ng akwatiko at ‘limnology’ sa Mindanao.