Nagsagawa ng pagpupulong ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) noong nakaraang taon upang suriin ang resulta ng proyektong, “Field Verification Testing of Carrageenan Plant Growth Promoter (PGP) for Enhanced Growth and Induced Pest and Disease Resistance in Rice and Corn.”
Ang proyekto ng Carrageenan PGP para sa palay at mais ay naisagawa sa pagtutulungan ng University of the Philippines Los Banos (UPLB), Department of Agriculture (DA), DOST, at DOST-PCAARRD.
Dumalo ang mga kinatawan mula sa National Crop Protection Center (NCPC) ng UPLB, bilang tagapamahala ng nasabing proyekto; Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD; regional project coordinators mula sa iba’t ibang ahensya o kanilang kinatawan, at mga kinatawan ng accounting department mula sa Regions 1, 2, 3, CALABARZON, 6, 9, at 11 ng DA at DOST.
Ibinahagi ni Dr. Gil L. Magsino, Director at Project Leader mula sa NCPC-UPLB, ang pinagsama-samang ulat ng pitong regional agencies na kasama sa proyekto kung saan, 25% ang itinaas ng ani ng palay sa rehiyon 6 sa panahon ng tag-ulan noong 2018 at 34% na pagtaas naman sa ani ng palay sa rehiyon 9 sa panahon ng tag-tuyo noong 2019.
Ayon kay Engr. Mahmud L. Kingking, Project Coordinator at Director ng DOST-9, ang paggamit ng Carrageenan PGP ay malaking tulong sa mga magsasaka sa kanilang rehiyon. Nagdulot ng mataas na ani at walang gasinong peste ang palay na ginamitan ng Carrageenan PGP. Ibinahagi rin ni Engr. Kingking ang opinyon ng mga magsasaka sa pagiging epektibo ng Carrageenan PGP sa pagpapataas ng kanilang ani.
Pinuri naman ni Dr. Emelyn P. Flores, Project Coordinator ng Rehiyon 6, ang pagtutulungan ng mga ahensya ng DOST at DA sa maayos na pagpapatupad ng proyekto sa kanilang rehiyon.
Inilahad naman ni Dr. Magsino na makatutulong ang datos at ulat ng bawat isa upang mas mapag-aralan pa ang kapasidad ng paggamit ng Carrageenan PGP sa iba’t-ibang lokasyon sa bansa. Napagkasunduan ng bawat isa na ang huling pagsusuri ng proyekto ay gaganapin matapos mabuo ang terminal report nito.
Sa pamamagitan ng pagpupulong na ito, nagkaroon ng pagkakataon ang bawat isa na ipamahagi ang magandang resulta ng paggamit ng nasabing teknolohiya upang mapaunlad ang buhay ng mga magsasakang Pilipino. Bumuhos naman ang pagsuporta ng bawat ahensyang kabilang sa proyekto upang mapunan ang mga kinakailangang dokumento para sa pinansiyal at teknikal na ulat.