Isang pagtitipon para sa kababaihan na kabilang sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs) ang ginanap sa Central Visayas Multi-species Nursery Demonstration and Training Center (CVMNDTC) sa Bentig, Calape, Bohol.
Ang pagtitipon na may temang “Fisheries Women Entrepreneurs Forum: Developing the Entrepreneurial Skills of SMEs for Enhanced Export Market of Fresh and Dried Seaweeds” ay ginanap sa pagtutulungan ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), National Network on Women in Fisheries in the Philippines, Inc. (WINFISH), at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Office 7, at BFAR Central Office (CO).
Ito ay pangalawa sa serye ng pagtitipon para sa babaeng negosyante sa sektor ng pangisdaan. Nagbahagi ng kanilang mga karanasan at tagumpay sa produksyon at pangangalakal ng sariwa at pinatuyong seaweed ang mga kinatawan ng rehiyon 6, 7, at 8.
Tinalakay ang mga kinakailangan ng industriya sa bawat rehiyon sa isang ‘workshop’ na parte ng pagtitipon. Ilan sa mga suliranin ng industriya na tinukoy sa ‘workshop’ ay ang pabago-bagong presyo dahil sa ‘supply’ at ‘demand’; ang kawalan ng pamantayan sa pagpepresyo; DTI registration; kawalan ng pasilidad at kagamitan; kalidad ng mga produkto; mga mamimili; at ang kaalaman sa pagpapakete at pagmamarka.
Pitumput-limang kababaihan ang lumahok sa dalawang araw na pagtitipon. Kabilang sa mga lumahok ang mga kinatawan ng IARRD-PCAARRD, mga opisyal at tauhan ng WINFISH; secretariat ng BFAR 7 (Cebu) Gender and Development (GAD) committee, tauhan ng BFAR CO Quezon City; tauhan ng BFAR 6 (Iloilo), mga opisyal at tauhan ng BFAR 8 (Tacloban); at mga nagluluwas at nagpproseso ng seaweed sa rehiyon 6, 7, at 8.
Kamakailan, ginanap ang unang pagtitipon para sa mga babaeng negosyante sa Pampanga. Sila ay sinanay sa pagluluwas ng buhay at iladong hipon at mga produktong gamit ang hipon sa EPHATHA Development Center, SACOP, Maimpis, San Fernando, Pampanga.
Si Dr. Dalisay DG. Fernandez, direktor ng IARRD-PCAARRD, ang nagsimula ng proyektong ito na pinondohan naman ng BFAR Central Office.