Ang palay ay kilalang nagtataglay ng mas mataas na glycemic index (GI) kumpara sa ibang mga pagkain. Sinusukat ng GI kung paano nakaaapekto ang mga pagkaing naglalaman ng ‘carbohydrates’ sa pagtaas o pagbaba ng ‘blood sugar’ o ‘glucose’ sa ating katawan. Ang pagkonsumo ng mga pagkaing matataas sa GI ay maaaring makapagdulot ng sakit na ‘diabetes.’
Bilang solusyon, sinuportahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyektong, “Development of Low Glycemic Index Rice Through Induced-Mutation and Marker-Assisted Selection” na pinamumunuan ni Teodora E. Mananghaya ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Sa kasalakuyan, limang ‘mutant populations’ ng barayting NSIC Rc160 (Tubigan 14) ang nadebelop gamit ang ‘gamma irradiation’, kemikal, at ‘double mutagenesis.’ Ang mga ‘mutant populations’ na ito ay sinusuri upang maikumpara ang GI sa orihinal ng nasabing barayti sa pamamagitan ng molekyular at agro-morpolohikal na paraan. Inaasahang magreresulta ito sa mas pinabuting barayti ng palay na may mababang GI.
Kasama ring pinag-aaralan ang potensyal ng ‘low GI rice’ sa merkado. Sa pagsusuring isinagawa, maraming nagpahayag ng pagnanais na bumili nito sa mas mataas na halaga. Lumalabas din na kailangan pa ang malawakang pagbabahagi ng mga magagandang benepisyo ng pagkonsumo ng low GI rice upang mas tumaas ang pagtangkilik ng konsumer. Paiigtingin pa ang pag-aaral na ito upang malaman din ang antas ng pagtangkilik ng mga konsumer mula sa urbanisadong lugar sa Pilipinas.
Katuwang sa proyektong ito ang PhilRice-Batac sa Ilocos Norte, DOST-Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), at Mariano Marcos State University (MMSU).