Ang mga taklobo ay may ginagampanang mahalagang tungkulin sa karagatan. Sila ay nagsisilbing tahanan ng mga isda, korales, at iba pang mga yamang-dagat. Ngunit dahil sa pagbabago ng klima at iba pang mga nakasisirang gawain ng tao, ang iba’t ibang uri ng mga taklobo ay nanganganib nang maubos.
Upang matulungan silang maibalik sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, inilunsad ng University of the Philippines Diliman-Marine Science Institute (UPD-MSI) ang ‘giant clam culture’ o ang pagpaparami ng mga taklobo noong 1980s. Ang mga taklobo na ipinanganak at inalagaan hanggang sa hustong laki ay inilipat sa iba’t ibang lugar sa bansa upang matulungang manumbalik ang kanilang mga lokal na populasyon.
Ang programang ito ay naglalayong muling bisitahin at suriin ang mga lugar na pinaglipatan ng mga taklobo nang malaman ang kanilang kasalukuyang kondisyon, mga uri, at bilang. Layunin din ng programang ito na mas pahusayin pa ang paraan ng pagpaparami at pag-aalaga ng mga taklobo sa ‘hatchery’ gamit ang mga makabagong paraang molekular.
Sa pamamagitan ng pag-aaral na ito, maaaring matuklasan ang kasalukuyang kalagayan ng mga taklobo sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Masasabi nito kung gaano kabisa ang mga isinagawang pangangalaga o ‘conservation efforts’ at kung paano pa ito mas lalong mapabubuti. Higit pa rito ay ang pagpapahusay ng paraan ng pagpaparami ng mga taklobo (‘culture protocols’) at ang mga instrumento sa pagbabantay ng mga ito. Ang pagpapakalat ng impormasyon sa publiko ay mamumuhunan sa lalong pagkakakilanlan ng mga taklobo upang higit pang palawigin ang kaalaman at hikayatin ang mga mamamayan na makibahagi sa pangangalaga sa karagatan.
Ang programang ito ay sinusuportahan at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ng Department of Science and Technology (DOST); at kasalukuyang isinasagawa ng UPD-MSI katulong ang Western Philippines University (WPU), Davao del Norte State College (DNSC), at Mindanao State University-Tawi Tawi College of Technology and Oceanography (MSU-TCTO).