Mas mura at epektibong pagpapatakbo ng akwakultura ang hatid ng isang pag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas sa Visayas (UPV). Kasabay ng pagdiriwang ng 2022 ‘National Science and Technology Week,’ ibinahagi ni Dr. Rex M. Traifalgar ang mga pinakabagong resulta sa kanilang proyektong, “Organic Bioactive Aquafeed Additives for Efficient and Sustainable Aquaculture.”
Hindi gaya ng nakasanayan na paggamit ng ‘fishmeal’ bilang bahagi ng pakain sa mga alagang isda, ang paggamit ng ‘organic bioactive aquafeed additives’ ay binubuo ng mga sangkap mula sa kamote, copra, at ‘algae’ na inaasahang mas mura.
Ayon kay Dr. Traifalgar, ang pagbuburo o ‘fermentation’ ay isa sa mga mabisang paraan sa paggawa ng kalidad na pakain para sa mga alagang isda.
Nakita din sa pag-aaral na ang organic bioactive aquafeed additives ay mabisang tulong sa pagpaparami ng mga bangus, hipon, at alimango dahil dumami ang produksyon at naitala ang pagbigat ng mga nasabing pagkaing dagat. Naging mabuti din ang lagay ng ‘gut’ o tiyan ng hayop dahil sa mataas na antas ng nutrina at ‘probiotics’ sa nasabing mga pakain.
Dagdag pa rito, mas nagiging mababa ang banta ng sakit sa mga nasabing aquaculture commodities. Nakatutulong ang pakain sa paglaban sa mga sakit gaya ng ‘White Spot Syndrome Virus’ at ‘V. parahaemolyticus infection’ na laganap na umaatake sa mga hipon at alimango dito sa bansa.
Dahil sa resulta ng pag-aaral, pinaghahandaan na ng grupo ni Dr. Traifalgar ang pagbebenta ng organic bioactive aquafeed additives sa merkado upang magamit ng mas nakararaming 'aquaculturists.’
”Ang pag-buburo ng ‘agricultural biomass’ para pataasin ang protina ay isa sa mga maaaring kinabukasan ng akwakultura sa bansa,” dagdag pa ni Dr. Traifalgar.