Maaaring magbigay ng mas malaking kita o ‘return of investment (ROI)’ ang ‘Longline,’ isang paraan ng pagpaparami ng mataas na kalidad na tahong. Mas makabubuti rin sa kapaligiran ang pamamaraan ng ‘longline.’
Ang impormasyon na ito ay ibinahagi noong pinaka-unang Philippine Mussel Congress na isinagawa ng University of the Philippines Visayas (UPV) sa pakikipagtulungan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang congress ay ginanap noong ika-25 ng Oktubre taong 2018 sa Iloilo City.
Ayon kay Dr. Carlos C. Baylon ng UPV, makapagbibigay ang ‘longline’ ng mas mataas na ROI na aabot ng 74% at mas maikling ‘payback’ period na dalawang taon kumpara sa paraan ng ‘raft’ na may ROI na 26% at may ‘payback period’ na tatlong taon. Ang mga impormasyon na ito ay ibinahagi ni Baylon sa kanyang pag-aaral na may titulong, “Grow out Culture of the Green Mussel (Perna viridis) in the Philippines: State of the Art.”
Kumpara sa pagtutulos o ‘stake method,’ isang tradisyonal na paraan ng pagpaparami ng tahong, ang ‘longline’ ay makapagbibigay ng mas maraming pakinabang. Ito ay ayon kay Dr. Fiona L. Pedroso ng UPV. Ang pagtutulos ay nagdudulot ng pagtambak ng latak sa lugar kung saan ginagamit ito.
Ayon kay Pedroso, ang paglaki ng tahong sa paraan ng ‘longline’ ay mas mabilis kumpara sa pagtutulos. Ito ay dahil ipinahihintulot ng ‘longline’ ang mas mabilis na paglaki at pagkamit ng sukat na tinatanggap sa merkado. Mas malaki ang kita sa ‘longline’ dahil gumagamit lang ito ng mga ‘recyclable’ na materyales. Bukod dito, hindi masama ang epekto nito sa dagat dahil mas kaunti ang latak na dinudulot nito.
Isang pag-aaral na ginawa ni Pedroso na may titulong “Pilot Testing of Longline Method for Green Mussel (Perna viridis) Culture in Traditional Areas” ang nagsabi na 87% ng mga magsasaka na nakapanayam ay handang gumamit ng teknolohiya ng ‘longline.’ Ang iba pang nasabing impormasyon ni Pedroso ay nanggaling sa nasabing pag-aaral.