Nagtulungan ang Max’s chain of restaurants at ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) upang makapag-prodyus ng suplay ng kamote para sa ‘menu offering’ nitong “spring chicken with sweetpotato fries.”
Ang partikular na pangangailangan ng Max’s ay ang uri ng kamote o ‘sweetpotato’ na makapagbibigay ng mataas na kalidad na ‘french fries.’
Tumulong ang PCAARRD sa pamamagitan ng proyektong may titulong, “Support Systems for Sweetpotato (SP) Value Chain Development and Establish SP Value Chains in Leyte-Samar” na isinasagawa ng Visayas State University-Philippine Root Crops Research and Training Center (VSU-PhilRootcrops). Ang proyektong ito ay bahagi ng Sweetpotato Industry Strategic S&T Program (SP-ISP) na pinopondohan ng PCAARRD.
Kasalukuyang tinutulungan ang Max’s ng VSU-PhilRootcrops at Nutri-pros, isang pribadong negosyo na namumuno ng isang grupo ng magsasaka.
Sa pamamagitan ng nasabing proyekto, tatlong ektarya ng ‘nursery’ ng PSB SP 17 ang itinanim sa Antipolo. Ang PSB SP 17 ay isang uri ng kamote na mataas umani, maganda ang kalidad, at matagal ang ‘shelf life.’ Ang ‘nursery’ ay magsusuplay sa 20 ektaryang taniman upang matugunan ang pangangailangan ng Max’s.
Ngayong taon, balak na palakihin ang taniman na tinatayang aabot ng humigit kumulang ng 60 ektarya sa Antipolo at Bulacan.
Kinakailangan din ng Max’s ang pinulbos na kamote, kaya inirekomenda ng VSU ang Super Bureau o VSP 6. Sa Tarlac naman ipo-prodyus ang mataas na kalidad na punla ng VSP 6.
Sa pamamagitan ng proyekto, ang ‘supply chain’ ng kamote ay maaari nang tumugon sa pangangailangan ng Max’s. Ang pagtutulungan ng Max’s at PCAARRD ay makatutulong din sa mga magsasaka sa pagtatanim ng kamote at pagpo-proseso nito.
Walang ginagamit na kemikal na pestisidyo sa mga taniman ng kamote na inilalaan para sa Max’s. Sa halip, gumagamit ng ‘biopesticide’ at ‘soil enhancer’ na naglalaman ng aloe vera at seaweed ang mga taniman. Ang ‘biopesticide’ ay gumagamit ng natural na materyales gaya ng halaman at bakterya.
Sa pamamagitan ng ‘soil enhancer’ at ‘biopesticide’ na ginagamit sa mga taniman, nagtala ng 35 tonelada kada ektarya ang ani ng taniman, na mas mataas kumpara sa ‘target’ ng SP-ISP.
Ang kamote ay kilala sa pandaigdigang merkado bilang ‘superfood.’ Ito ay puno ng bitamina, mineral, at ‘micronutrients.’ Mababa ang ‘glycemic index’ nito at mataas ang kalidad ng nilalaman nitong ‘dietary fiber.’ Ang kamoteng puti ang loob ay mataas sa ‘calcium’; ang kamoteng dilaw at kahel ang loob ay mataas ang ‘beta carotene’; samantalang ang kamoteng lila ang loob ay mataas sa ‘anthocyanins.’
Sinusuportahan ng PCAARRD ang mga saliksik na may kaugnayan sa kamote sa nakalipas na sampung taon. Isinusulong din ng mga ahensya ng gobyerno ang kamote bilang sagot sa kakulangan ng pagkain sa oras ng sakuna at kagipitan.