Pinag-aaralan ng isang proyekto ang uray o Amaranthus spinosus bilang potensyal na ‘dietary protein’ para sa tilapia.
Ang Amaranthus spinosus ay isang uri ng palumpong na may matitinik na sanga at kumpol ng bulaklak. Tinatawag din itong ‘spiny amaranth’ o ‘pigweed’ sa Ingles at uray sa Tagalog.
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyekto at ipinatutupad ng Isabela State University (ISU) at ng University of San Carlos (USC).
Ang proyekto ay may titulong “Amaranthus spinosus Leaf Meal as Potential Protein Source for Nile Tilapia.”
Isang pagpupulong ang ginawa kaugnay ng proyekto kamakailan sa pangunguna ni Dr. Adelaida T. Calpe, R&D Monitoring and Evaluation Unit Head ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng PCAARRD.
Ayon kay USC Vice President for Academic Affairs Alexander Gaut, ang pagsulong ng lipunan ay nangangailangan ng ibayo pang mga pagsasaliksik at maraming hamon kaugnay nito ang kayang tugunan ng mga Filipino. Idinagdag pa ni Gaut na dapat maging masigasig ang mga mananaliksik sa pagpili ng paksang dapat pag-aralan upang makatugon sa mga hamong ito.
Inilahad ni ISU Project Leader, Dr. Isagani P. Angeles, Jr. ang mga nagawa ng proyekto. Kabilang dito ang koleksyon at pagtatanim ng uray, paghahanda sa ‘experimental setup,’ pagkokondisyon sa Nile tilapia, at paghahanda sa ‘experimental diets.’
Inilahad din ni USC Project Staff Dr. Jonie C. Yee ang iba pang mga nagawa ng proyekto kabilang na ang pagtukoy sa mga laboratoryo at pasilidad na gagamitin sa proyekto, koleksyon at pagkakatas sa mga dahon ng uray, at pangunang ‘phytochemical screening’ ng mga samples.
Nakita sa mga inisyal na pagsusuri ang positibong resulta ng presensya ng ‘terpenoids’ at ‘steroids’ sa Amaranthus. Ang mga ito ay maaring gamitin upang mapabilis ang paglaki ng tilapia dahil sa taglay nitong ‘anti-estrogen components.’ Upang makamit ang mas malaking tilapia, ginagamit ng mga mananaliksik ang paraan ng ‘sex reversal’ kung saan gumagamit ng mga materyal na may ‘anti-estrogen components.’
Binisita rin ng PCAARRD at ISU teams ang Microbiology at Biomaterials Laboratories sa Arnoldus Science Complex, USC na katulong sa pagsasakatuparan ng proyekto.