Karamihan ng Pilipino na nakatira sa kabundukan ay umaasa sa agrikultura para sa kanilang kabuhayan.
Upang matulungan ang mga nasabing komunidad, nagtulungan ang Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa proyektong, “Enhancing Livelihoods through Forest Landscape Restoration.”
Layunin ng proyekto na tingnan kung paano mapabubuti ang kabuhayan at ang ‘food security’ sa komunidad sa pamamagitan ng Forest Landscape Restoration (FLR). Tataniman muli ng mga puno ang 500 hanggang 1,000 ektaryang lupain sa ilang mga komunidad sa Rehiyon 6, 7, at 8.
Inaasahan na ang proyekto ay makatutulong sa ekonomiya ng mga komunidad na kasama sa proyekto.
Ang proyekto ay pinapangunahan ni Dr. John Herbohn and Dr. Nestor Gregorio ng University of Sunshine Coast – Australia at ni Dr. Arturo Pasa ng Visayas State University.
Ayon kay Dr. Pasa, makagagawa ng pinaunlad na pamamaraan sa pagsasagawa at pagpapalawak ng ‘reforestation’ sa Pilipinas sa pamamagitan ng proyekto.
Tatagal ang proyekto hanggang Disyembre taong 2022 na susubaybayan ng DOST-PCAARRD.