Nakatanggap ng ₱14.5 milyon ang University of the Philippines Visayas (UPV) para mapaunlad ang mga pasilidad na ginagamit sa pagsasaliksik sa hipon.
Ang pondo ay nagmula sa Philippine Council of Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) Facilities Development para sa National Agriculture, Aquatic and Resources R&D Network (NAARRDN) Program.
Gagamitin ang pondo upang itaas ang antas ng mga pamisaan ng unibersidad, mga ‘larval rearing tanks,’ ‘shrimp aeration systems,’ at ‘seawater intake systems.’ Gagamitin din ito upang makabili ng mga ‘specialized’ na kagamitan pati na rin ng ‘generator set’ para sa mga oras na walang kuryente.
Sinusuportahan ng proyektong ito ang isinagasawang pagsasaliksik na may titulong, “Improvement of the Philippine Penaeus vannamei for Enhanced Growth and White Spot Syndrome Virus Resistance Through Selective Breeding” na pinangungunahan ni Dr. Rex Ferdinand M. Traifalgar ng UPV.
Inaasahan na makatutulong ang programa sa pagpaparami ng hipon pati na rin sa mga pananaliksik dito at sa iba pang uri ng isda na matatagpuan lamang sa bansa. Makatutulong ang programa lalo na sa mga estudyante ng UPV na kasalukuyang kumukuha ng Master’s at Doctor’s degree.
Isa lamang ang Facilities Development para sa NAARRDN sa mga programa ng DOST-PCAARRD na naglalayong mapataas ang kalidad ng pasilidad at kagamitan para sa pagsasaliksik sa sektor ng agrikultura, akwatiko, at likas na yaman. Mula 2017, higit nang ₱100 milyon ang napondohan ng PCAARRD sa iba’t ibang aktibidad sa programa.