PALO, Leyte – Binigyang diin ng Philippine Science High School, Eastern Visayas Campus (PHSH-EVC) ang kahalagahan ng pangangalaga ng biodiversity sa rehiyon sa pamamagitan ng Biodiversity and Vulnerable Ecosystems Research (BiVER) Program.
Ang programa ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sinabi ni Prof. Janeth Morata-Fuentes, tagapanguna ng programa, na kailangan tayong maka-angkop sa epekto ng ‘climate change’ sa ating kapaligiran.
Dahil sa mayamang dagat at lupa ng Eastern Visayas, ang lugar ay maituturing na mahina at marupok (vulnerable) sa malalakas na bagyo at ulan na dala ng climate change.
Layon ng BiVER program, sa pamamagitan ng data na kaya nitong ibigay, na tulungan ang mga ahensya kagaya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga lokal na pamahalaan sa pagbuo ng mga polisiya at programa sa pangangasiwa ng mga ekosistema na ayon sa mga nakalap na ebidensya.
Bukod sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga PSHS scholars na mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagsasaliksik, layon din ng programa na bigyan sila ng aktuwal na karanasan na makisalamuha sa komunidad upang lubos nilang maunawaan ang mga kaganapan sa mga ekosistema at epekto nito sa kanilang buhay.
Kabilang sa mga inaasahang output ng programa ay ang imbentaryo ng mga halaman at hayop, mga datos sa kalidad ng mga ekosistema, ‘computational models’ ng mga mahahalagang ‘river systems’ para sa kabuhayan ng komunidad, at BiVER database system at website, para sa pag-iimbak ng mga ‘research data’ na madaling maipamahagi at magagamit ng publiko.
Ang proyektong ito ay ang unang pagtutulungan ng PSHS at PCAARRD.