Ang pili ay isang uri ng puno na matatagpuan lamang sa Pilipinas. Ito ay may produksyong umaabot sa 7,360 tonelada (mt) kada taon. Walumpong porsyento (80%) ng lahat ng nagbubungang puno ng pili sa bansa ay nasa rehiyon ng Bicol.
Patuloy na tinatangkilik ang pili sa loob at maging sa labas ng bansa na siyang nagdudulot ng positibong epekto nito sa ekonomiya. Ang ‘export’ ng pili nuts ay tumaas mula 18 mt noong 2015 naging 124 mt noong 2017.
Bukod sa pili nuts, maaari ding makakuha ng ‘pulp oil’ mula sa pili. Tulad ng pili nuts, mataas ang presyo nito sa merkado.
Upang mas mapahalagahan ang pili, pinondohan ng Department of Science and Technology – Science for Change Program (DOST-S4CP) ang Bicol University (BU) kasama ang Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) at Partido State University (ParSU) upang isagawa ang Pili Research and Development (R&D) Center sa ilalim ng programang Niche Centers in the Regions for R&D (NICER).
Ang mga programa sa ilalim ng NICER ay naglalayong makapagtatag ng R&D Centers upang tulungang paunlarin ang mga rehiyon ng ating bansa.
Inaasahan na sa tulong ng Pili R&D Center, ang rehiyon ng Bicol ay patuloy na mapaunlad sa pamamagitan ng pagpapalakas ng industriya ng pili.
Sa isang pagpupulong, ibinahagi ng program leader na si Dr. Marissa N. Estrella ng BU na layunin ng programang makapagbigay sa industriya ng mga teknolohiya at mga pamamaraan na hango sa siyensya. Ito ay sa pamamagitan ng teknolohiyang mas makapagpapahusay ng produksyon at ‘postharvest.’ Ang mga teknolohiyang ito ay inaasahang maitataas ang ani at pangkalahatang produksyon ng pili nut sa bansa.
Layon ng Pili R&D Center ang mapataas ang ani ng pili sa 3.63 mt bawat ektarya (mt/ha) mula 3.3 mt/ha; pagbabahagi ng 10,000 na pananim para sa 100 ektaryang lupain sa Bicol; pinabisang tuntunin sa pagkontrol ng mga peste at sakit ng pili; mas pinabisang teknolohiya sa pagpoproseso ng pili matapos anihin; at komprehensibong ‘knowledge management system’ ng pili.
Pitong proyekto ng programa ang nakatutok sa pagtupad ng mga layunin ng Pili R&D Center sa BU. Ito ay makatutulong sa mga magsasaka ng pili sa Bicol, ‘breeders,’ ‘agricultural technicians,’ ‘traders,’ ‘processors,’ ‘input providers,’ ‘nursery owners’ at ‘operators,’ ‘research managers,’ mananaliksik, at mga gumagawa ng polisiya.
Ang Pili R&D Center ay isasagawa sa loob ng tatlong taon sa pamamatnubay ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).