Philippine Standard Time
Featured

Potensyal ng Lactobacillus sp. para sa akwakultura, sinuri sa isang pag-aaral

Isang paglinang sa paggamit ng ‘probiotics’ sa akwakultura ang nilalatag upang makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Bumisita sa South Korea ang ilang kinatawan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ng University of the Philippines Los Baños-National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (UPLB-BIOTECH) upang magsagawa ng Global Technology and Information Search (GTIS). 

Binigyang daan ng inisyatibo ang masusing pag-aaral ng mga ‘molecular mechanisms’ at interaksyon ng paggamit ng probiotics, tulad ng Lactobacillus sp., para sa kalusugan ng pagproseso ng pagkain o ‘gut health’ sa akwakultura. Layon ng nasabing GTIS na matuklasan ang potensyal ng mga probiotics sa kalusugan at pagpaparami ng mga aquatic organisms para sa mas mabisang aquaculture practices  at upang mapabuti ang pamamahala sa mga sakit sa akwakultura.

Si Prof. Geun-Bae Kim ng Chung-Ang University ay nagsusuri at tumutukoy ng mga bakteryang may potensyal bilang probiotics. Inalam ng mga mananaliksik ang ugnayan ng mga ‘microbiota’ o sari-saring mga microorganism sa sistema ng akwakultura. Tinutukoy din ng mga mananaliksik ang mga probiotic strains na nagpapakita ng positibong epekto sa kalusugan at pagiging produktibo ng akwakultura.

Mas nalinang din sa pag-aaral ni Dr. Arvie Camille de Guzman sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa laboratoryo ng Seoul National University (SNU). Dito isinalin ang mga konsepto ng metabolomics upang mapag-aralan ang maaring benepisyo nito. Sa tulong ng metabolomics, kayang matukoy at masuri kung papaano pinoproseso ng isang hayop ang mga pagkain. Maaring gamitin ang mga impormasyong makakalap sa metabolomics upang makalikha ng pakaing magbibigay ng pinakamagandang antas ng kalusugan at produksyon sa akwakultura.

Malaki ang benepisyong hatid ng paglahok sa GTIS sa pagsulong at pagpapa-lawig ng mga kaalaman sa larangan ng akwakultura. Gamit ang mga nakalap na kaalaman mula sa GTIS, mas mapapaigting ang kapasidad ng mga pasilidad at laboratoryo sa bansa na maghahatid ng mga natatangi at de kalidad na pag-aaral sa sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman.

Ang mga resulta ng pag-aaral sa ginanap na GTIS ay inaasahan na magbibigay ng mahahalagang impormasyon sa pagpapalakas ng industriya ng akwakultura lalo na sa pagsagot sa mga kasalukuyang banta at pagsubok dito.