Ang tahong (Perna viridis) ay isa sa mga mahalagang yamang dagat sa rehiyon ng Indo-Pacific. Dahil dito, nakagawa na ng mga pamamaraan kung paano mapararami ang yamang dagat na ito. Nananatiling mababa ang produksiyon ng tahong sa bansa na nasa 0.9% lamang sa kabuoang produksiyon ng mga yamang dagat sa bansa.
Upang mapataas ang produksyon ng tahong, kinakailangan ang isang protokol sa pagbibiyahe ng mga semilya nito na makasisiguro sa mataas na ‘survival rate.’
Pinaunlad ang mga pamamaraan ng pag-aalaga ng tahong at paglilipat ng mga semilya sa mga palakihan. Kaugnay nito, kailangan ng pagbibiyahe ng mas maraming semilya ng tahong mula sa alagaan patungo sa iba’t ibang palakihan sa bansa. Kailangang maganda ang kalagayan ng mga semilya upang masiguro na mapalalaki ito sa pinakamabuting paraan.
Kaugnay nito, pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ng University of the Philippines Visayas (UPV) in Miag-ao, Iloilo ang mga proyekto sa pamamagitan ng National Mussel S&T Program. Layon ng programa na mapaunlad ang produksyon ng tahong at mapanatili ang industriya nito.
Upang maibiyahe ang mga semilya ng tahong sa pinakamabuting kalagayan, isang protokol ang ginawa. Kabilang sa protocol ang pagsiguro na nakakabit pa rin sa ‘settlement substrate’ upang mabuhay ang mga semilya.
Sa mga lugar-alagaan na nasa lupain, mas mainam na gamitin ang itim na lambat na gawa sa nylon kapag ibibiyahe ang mga semilya. Ito ay mas magaan at mas marami ang maaaring ilagay na semilya.
Ang mga semilya ay kailangang mapanatiling mamasa-masa, balot sa mamasa-masang tela, o winisikan ng tubig-dagat. Kinakailangang nakalagay sila sa lalagyan na ‘insulated’ gaya ng ‘styrobox’ na may yelo upang mapanatili ang temperatura na 20-25 degrees C.