INDANG, Cavite – Nagsagawa ng isang pag-aaral ang mga mananaliksik ng Cavite State University (CvSU) para sa pangangalaga at pangangasiwa ng genetic resources ng kape (Coffea spp.) sa bansa. Ito ay upang tugunan ang tuloy-tuloy na pagkawala ng maraming mahahalagang hene ng kape.
Kumalap ang mga mananaliksik ng animnapu’t siyam (69) na ‘accession’ na nabibilang sa apat na mahahalagang uri ng kape. Binubuo ito ng 28 accessions ng C. Arabica, 15 ng C. liberica, 9 ng C. excelsa at 17 ng C. robusta/canephora.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang mga nasabing accessions gamit ang teknolohiya ng ‘morphological’ at ‘molecular markers.’ Sa pamamagitan nito ay inuri nila ang mga accessions ayon sa kanilang pinagmulan at posibleng pagkakaugnay-ugnay ng kanilang hene para sa pagpaparami.
Nakita sa pag-aaral, kabilang ang iba pang mahalagang resulta, ang napakababang ‘genetic diversity’ ng kape sa bansa. Ang genetic diversity ay tumutukoy sa kabuuang bilang ng katangian ng hene.
Gamit ang morphological marker, ang genetic diversity ay naitala sa 0 – 0.36 at 0.04 – 0.24 naman gamit ang molecular marker.
Nakita rin sa pag-aaral ang kahirapan sa pagtukoy sa pagkakaiba ng barayti ng C. excelsa at C. liberica gamit ang parehong uri ng marker. Ang pagkakakilanlan ng ilan sa kanilang mga accessions ay pareho o kaya ay naiiba at maaring masiguro lamang sa pamamagitan ng molecular markers.
Bukod sa nasabing resulta, nakita rin sa pag-aaral ang pagkakaroon ng ‘polymorphism’ sa lahat ng uri ng kape na pinag-aralan. Ang polymorphism ay tumutukoy sa pagkakaroon ng dalawa o higit pang magkaibang morphs o porma sa isang uri ng kape.
Ang paggamit ng morphological at molecular characterization sa pag-aaral ay naging daan upang pabulaanan ang ilang paniniwala kaugnay ng genetic diversity ng ilang partikular na barayti ng kape sa bansa. Halimbawa, nakita na ang barayti ng ‘San Ramon’ at ‘Improved San Ramon’ ay pareho lamang, ganon din ang ‘Mundo Novo’ at ‘Mundo Novo1.’
Nakabuo ang proyekto ng isang database para sa pangangasiwa ng lahat ng impormasyon tungkol sa koleksyon ng ‘genebank.’ Inaasahang makatutulong ito upang tugunan ang mga pangangailangan sa mga ‘coffee breeding programs’ ng bansa.