Nagsagawa kamakailan ng ‘pre-terminal review’ ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) para sa proyektong, “Field Verification Testing of Carrageenan Plant Growth Promoter (PGP) for Enhanced Growth and Induced Pest and Disease Resistance in Rice and Corn.” Layon ng aktibidad na tasáhin ang mga resulta ng proyekto mula sa kolaborasyon ng pitong rehiyon bilang tugon sa nalalapit nitong pagtatapos.
Idinaos ang pre-terminal review sa PCAARRD noong ika-14 ng Nobyembre 2019. Dinaluhan ito ng mga pangunahing opisyal at mananaliksik mula sa National Crop Protection Center (NCPC)-University of the Philippines Los Baños (UPLB), ang pangunahing ahensyang nagsasagawa ng proyekto. Kasama rin ang pangkat na nagsusubaybay at nagsusuri mula sa DOST-PCAARRD, sa pangunguna ng Crops Research Division (CRD), pati na rin ang ‘regional project coordinators,’ kasama ang kanilang mga kawani, at mga kinatawan ng Accounting unit ng Department of Agriculture (DA) Regions 1, 2, 3, 4A, 6, 9, at 11; at DOST Regions 1, 2, 3, 4A, 6, 9, at 11.
Ang Carrageenan PGP para sa palay at mais ay isang proyektong isinagawa sa pamamagitan ng kolaborasyon ng DA, DOST, at DOST-PCAARRD.
Ibinahagi ni Dr. Gil L. Magsino, Director at Project Leader mula NCPC-UPLB, ang ‘consolidated report’ ng pitong ahensyang panrehiyon na kabilang sa proyekto. Iniulat niya ang 25% pagtaas ng ani ng palay noong ‘wet season’ ng 2018 sa Region 6 at 34% namang pagtaas ng ani ng palay noong ‘dry season’ ng 2019 sa Region 9.
Ayon kay Engr. Mahmud L. Kingking, project coordinator ng Region 9, pambihira ang resulta ng pagsubok ng teknolohiya sa kanilang rehiyon sapagkat karamihan ng mga taniman ng palay ay nag-ulat ng magandang resulta sa tibay at ani ng kanilang mga pananim. Nabanggit din niya ang mahusay na dokumentasyon ng pagtaas ng ani at pagiging epektibo ng Carrageenan PGP batay sa persepsyon ng mga magsasaka.
Pinuri naman ni Dr. Emelyn P. Flores, project coordinator ng Region 6, ang epektibong kolaborasyon ng DA at mga ahensya ng DOST na nagresulta sa maayos na implementasyon ng proyekto sa mga rehiyon.
Bilang resulta ng pagsasagawa ng aktibidad, nangako at nagpahayag ng suporta ang mga kalahok na ahensya na tugunan ang mga nalalabi pa sa pagbubuo ng mga kinakailangang ‘technical at financial report.’ Nagsilbi rin itong pagkakataon para i-pinalisa ang datos at mga resulta na nagpapakita ng bisa ng teknolohiya sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipinong nagsasaka ng palay.