Pag-aaralan ang ‘systemic effect’ ng ‘aged wine’ gamit ang ‘toasted barrels’ sa isang proyekto na isinasagawa ng Forest Products Research and Development Institute ng Department of Science and Technology (DOST-FPRDI).
Ang nasabing proyekto ay pinamagatang “Safety Assessment and Determination of Wine-Property Enhancing Compounds of Wines Aged in FPRDI Toasted Wine Barrel” na pangungunahan ni DOST-FPRDI Science Research Specialist Kim Wilmer M. Balagot. Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Kaugnay ng proyektong ito ay ang isinasagawang ‘pilot testing’ ng ‘wine barrels’ gawa sa kahoy na matatagpuan lamang dito sa bansa. Inaasahan ng proyekto na matulungan ang mga Pilipinong gumagawa ng alak at mapataas ang kalidad at lasa ng kanilang produkto. Ang wine barrel na gagamitin ay gagamitan ng kahoy na pwedeng pamalit sa mas mahal na white oak (Quercus alba) bilang bilang pinakamagandang materyales para sa pag-‘ferment’ ng alak.
Tutukuyin ng FPRDI ang ligtas na paggamit ng toasted barrel gawa sa hindi na namumungang santol (Sandoricum koijape) at mga ‘tree plantation species’ gaya ng ‘big-leafed mahogany’ (Swietenia macrophylla King), ‘mangium’ (Acacia mangium), at ‘river red gum’ (Eucalyptus camaldulensis). Tutukuyin din ang ‘wine property-enhancing compounds’ at ang ‘antioxidant activity’ ng mga pinatandang alak gamit ang toasted barrels.
Magtutulungan ang gobyerno at ang pribadong sector pati ang mga local na gumagawa ng toasted barrels pati na rin sa local na ‘apiary’ at ‘meadery’ para sa pagsusuri ng ‘food safety’ ng pinatandang alak.