Philippine Standard Time

Proyekto sa tradisyunal na varayti ng mais, inilunsad

Nagdaos kamakailan lang ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ng isang pagpupulong upang opisyal na pasimulan ang pagpapatupad ng proyektong pinamagatang, “Mechanism of Resistance of Philippine Traditional Maize Varieties against Asian Corn Borer, Ostrinia furnacalis (Guenee).”

Ang proyektong pinangungunahan ni Dr. Merdelyn C. Lit ng Institute of Plant Breeding, University of the Philippines Los Baños (IPB-UPLB) ay isasagawa sa loob ng tatlong taon. Ito ay naglalayong mas maunawaan ang tradisyunal na mais at ang mekanismo nito upang labanan ang pinsala ng uod na Asian corn borer (ACB). Ang mga tradisyunal na varayti ng mais ay pag-aaralan ayon sa katangian o aspeto ng ‘antibiotics,’ ‘antixenosis,’ at ‘tolerance.’

 

Binigyang diin ni Dr. Lit ang kahalagahan ng pag-aaral ukol sa mga tradisyunal na mais ng bansa. Ani nya, “Mataas ang potensyal ng ating mga tradisyunal na mais upang makapagbigay ng mas mataas na kita sa ating mga magsasaka. Maaari rin itong iproseso bilang ‘corn grits’ at gawing alternatibo sa bigas. Higit na nakabubuti rin ito sa ating kalusugan dahil sa mas mababang ‘glycemic index’ nito, kumpara sa pangkaraniwang bigas.”

Samantala, ipinakita ni Bb. Angelyn Marta D. Marmeto ang mga paunang gawain ng proyekto tulad ng pananaliksik sa ACB ‘leaf-feeding assay strains’ at ang mga paunang paghahanda sa pagkumpirma ng kakayahan ng mga tradisyunal na varayti ng mais na labanan ang pamemeste ng ACB.

Ang inaasahang kabuuang resulta ng proyektong ito ay ang pagtukoy sa ‘resistance mechanism’ ng ating mga tradisyunal na mais, ‘scientific journal articles,’ mga pagsasanay sa mga mag-aaral, at mga rekomendasyong pangpatakaran na maglalayong hikayatin ang mga maliliit na magsasaka na magtanim ng tradisyunal na mais.

Sa koordinasyon ng ‘Monitoring and Evaluation Team’ ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD na pinamumunuan ni Dr. Edna A. Anit, nagtapos ang pagpupulong sa pamamagitan ng pagbisita sa ‘field demonstration area’ at ‘Entomology laboratory’ sa IPB-UPLB.