Isang proyektong naglalayong puksain ang peste ng sineguelas ang sinuportahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang nasabing proyekto na pinangungunahan ng Department of Agriculture (DA) ay may layuning makabuo ng mga estratehiya sa pagkontrol ng “sineguelas leaf beetle” o SLB (Podontia quatuordecimpunctata [L.]) na pumipinsala sa mga taniman ng sineguelas sa Batangas City.
Ang SLB ay lubhang naka-aapekto sa mga plantasyon ng sineguelas na matatagpuan sa San Miguel, Batangas. Ang bayan ng San Miguel ay siyang pangunahing ‘producer’ ng sineguelas sa Batangas at sa buong Luzon.
Sa kabuuan, 343 ang nagtatanim ng sineguelas sa 12 barangay sa San Miguel, Batangas ang naapektuhan ng pinsalang dulot ng SLB. Tinatayang 15,971 na mga puno ang naapektuhan ng mga ito na nagresulta sa halos 70% kabawasan ng ani.
Maituturing din na peste ang SLB ng ibang punong-kahoy gaya ng kasoy at mangga kaya masusing pag-aaral ang isinasagawa upang mapigilan ang labis na pagdami ng populasyon ng mga ito at hindi na makapaminsala pa.
Nagtulungan ang mga ahensya ng DA, gaya ng Regional Crop Protection Center (RCPC) Regional Field Office IV-A at Bureau of Plant Industry-Los Baños National Crop Research, Development, and Production Support Center (BPI-LBNCRDPSC) upang isakatuparan at lalong paigtingin ang pagkontrol sa mapaminsalang SLB.
Ang proyektong ito na pinamumunuan ni Dr. Orlando A. Calcetas ng DA-RFO IV-A ay naglalayong pag-aralan at siyasatin ang biyolohiya at ekolohiya ng SLB at ang ‘population dynamics’ o komposisyon ng populasyon at ang reaksyon nito laban sa mga natural na kaaway;at titingnan din ang kakayanan ng SLB sa pag-atake sa mga ‘host’ nito.
Pag-aaralan din ng proyektong ito ang iba’t-ibang botanikal na pestisidyo, berde at puting muscardine na ‘fungi,’ mga baculoviruses, iba’t-ibang klase ng insektisidyo laban sa magulang at larvae ng SLB; suriin ang kahusayan ng iba’t-ibang kemikal at organikong concoctions, at ang pag-gamit ng ‘pheromone technology’ upang maakit ang mga SLB.
Ang proyektong ito ay isasagawa sa loob ng dalawang taon at inaasahan na makapagtatala ng mga impormasyon na magagamit sa pagkontrol at pangangasiwa ng SLB.