Renipaso kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD)
ang isang proyekto na may kinalaman sa rehabilitasyon ng mga korales sa karagatan ng bansa.
Ang proyekto ay may titulong “Impact Assessment of Filipinnovation Coral Rehabilitation Program in the Philippines.”
Layon ng pagrerepaso na pag-aralan kung nakamit ng proyekto ang mga itinakdang adhikain at layunin makalipas ang dalawang taon at tatlong buwan ng pagpapatupad nito.
Sinuri ng proyekto ang naging epekto ng paggamit ng teknolohiya ng muling pagtatanim ng mga korales sa pamamagitan ng aseksuwal na reproduksyon ng mga pira-pirasong korales na matatagpuan sa mga ekosistema ng mga bahura sa mga piling lugar ng bansa.
Inilahad ni Dr. Rico Ancog, tagapanguna ng proyekto, ang ‘socio-economic component’ samantalang inilahad naman ni Dr. Hildie Nacorda, project staff ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang resulta ng ‘biophysical assessment’ ng proyekto.
Nakita sa resulta ng ‘biophysical assessment’ na ang mga ‘Filipinnovation sites’ sa Batangas, Bohol, at Tawi-Tawi ay may mas mataas na bilang ng mga isda at mas mataas na ‘fish biomass’ kumpara sa mga ibang lugar ng karagatan. Iniuugnay ito sa mas mataas na ‘coral cover’ sa mga Filipinnovation site.
Sinabi naman ni Dr. Ancog na walang malaking pagbabago sa dami ng nahuhuling isda sa mga ‘project sites’ kahit pagkatapos ng rehabilitasyon. Dahil dito, masasabing may mabagal na epekto sa paghikayat sa paglipat ng mga isda ang pagpapanumbalik ng mga korales.
Ganon pa man, inihayag sa pagrerepaso na sa kabuoan, ay may mas mataas pa ring pakinabang ang proyekto sa mga project sites lalo na sa mga lugar para sa ‘mass tourism.’