Si Renato Ramos, o “Ka Rene” sa mga kasosyo niya sa negosyo, ay nag-aalaga ng itik sa bayan ng Zaragoza sa Nueva Ecija. Sa edad na 57 taong gulang, siya ay isa sa mga pinaka-unang mag-iitik na nakasama sa programang ItikPINAS ng DOST-PCAARRD. Ang nasabing programa ay naglalayong pumili ng mga ‘mallard duck lines’ mula sa kilala nang “Pateros ducks” at makagawa ng mas mahusay na lahi ng itik.
Bago pumasok sa pag-iitik si Ka Rene, siya ay nakipagsapalaran sa ibang bansa bilang ‘construction worker’ sa loob ng sampung taon. Ito ang naging susi upang makapag-pundar siya ng isang sakahan sa Pilipinas.
Bumalik sa Pilipinas si Ka Rene noong taong 1999. Noong panahong iyon, may 2,000 nang ‘ready-to-lay ducks’ ang inaalagaan ng kanyang ama. Dito nagsimula si Ka Rene ng ‘buy-and-sell business.’ Unti-unti niyang binuo ang mga kinakailangan para sa produksyon ng balut at mga sisiw, tulad ng ‘incubator’ at mga pasilidad para sa pisaan ng itlog. Nagsimula rin siyang umupa ng mga ‘duck houses’ sa Pampanga at kinalaunan ay nakapagpatayo siya ng sarili. Sa kasalukuyan, ang kanyang itikan ay mayroong tatlong gusali kung saan maaaring makapag-alaga ng 20,000 na itik.
Noong taong 2013, dumalo si Ka Rene sa isang ‘seminar’ kung saan nakilala niya sila Dr. Rene Santiago, ang dating direktor ng National Swine and Poultry Research and Development Center ng Bureau of Animal Industry (BAI-NSPRDC) at si Dr. Angel Lambio, retiradong propesor ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Sina Dr. Santiago at Dr. Lambio ang nagpakilala kay Ka Rene sa ItikPINAS. Ang seminar na ito ang nagbigay daan upang makasama si Ka Rene sa mga unang nagtatag ng ItikPINAS ‘multiplier farms.’
Produkto ng maraming taong pananaliksik ang mga lahi ng ItikPINAS. Ito ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng DOST-PCAARRD sa BAI-NSPRDC. Naging popular ang ItikPINAS sa mga nag-iitik dahil sa mataas na ‘egg production’ at pare-parehong bigat ng itlog na naaayon sa paggawa ng balut at itlog na maalat.
Malaki ang pasasalamat ni Ka Rene sa suporta ng DOST-PCAARRD at BAI-NSPRDC, lalo na sa pag-organisa ng mga seminars at mga pagsasanay sa produksyon ng ItikPINAS. Kilala ngayon si Ka Rene bilang isa sa mga malalaking ‘suppliers’ ng ItikPINAS sa mga pribadong sektor pati na rin sa mga ahensya ng gobyerno.
Dumaan din sa ilang mga hamon si Ka Rene, gaya ng bagyo, pagkalat ng sakit ng itik, at ang pandemyang dulot ng COVID-19. Nakaapekto ang mga hamong ito sa kanyang itikan dahil nagkaroon ng limitadong paggalaw ng mga produktong itik, na nagresulta sa pagbaba ng presyo ng itlog ng itik. Ngunit sa kabila nito, naging matagumpay pa rin si Ka Rene sa kanyang negosyo.
Dalawampu’t dalawang taon na ang ginugugol ni Ka Rene sa pag-iitik. Ilan sa mga mahalagang aral na maibabahagi ni Ka Rene sa pagpapatakbo ng matagumpay na negosyo ay ang sumusunod: pag-aaral sa pag-aalaga at pagpapalaki ng itik bago pumasok sa pagnenegosyo; pagbuo ng ‘market’ o mga mamimili; paghahanap ng totoo o ‘legitimate’ na supplier ng ItikPINAS, at pagiging tapat sa mga mamimili.