Ang Silan AgriFarm sa Indang, Cavite ay isa mga farm tourism sites sa ilalim ng proyektong “Science for the Convergence of Agriculture and Tourism” o SciCAT ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layunin ng proyektong SciCAT na paunlarin ang farm tourism sa bansa. Ito ay sa pamamagitan ng pagpili ng mga sakahan sa Pilipinas na may potensyal na makapagbahagi ng mga makabagong inobasyon o teknolohiya sa agrikultura at makapagbukas ng mga trabaho para sa mga miyembro ng komunidad.
Isa ang Silan AgriFarm sa Indang, Cavite sa nakitaan ng potensyal upang maging isang ganap na farm tourism site. Ito ay matatagpuan sa Brgy. Tambong Kulit sa Indang, Cavite. Ito ay may sukat na sampung ektaryang taniman ng dragon fruit, niyog, papaya, pinya, lakatan, kamatis, ampalaya, at talong. Nag-aalaga din ng native pig sa nasabing farm.
Sa tulong ng kanyang pamilya, ang Magsasaka Siyentista na si Edilberto Silan, ang namamahala sa Silan farm. Ginagabayan din si Silan ng Cavite State University (CvSU) at ng University of the Philippines-Institute for Small-scale Industries (UP-ISSI) upang maging isang ganap na farm tourism site ang Silan AgriFarm.
Dragon fruit at niyog ang mga pangunahing produkto ng Silan AgriFarm. May ilang prutas at gulay ang nakatanim din sa farm gaya ng saging, papaya, pinya, ampalaya, kamatis, at talong. Iba’t-ibang teknolohiya at inobasyon ang ibinibahagi ng Silan AgriFarm sa komunidad at sa mga bumibisita ditotulad ng: g ilan sa mga ito ay ang pagpo-proseso ng papaya, pangangalaga ng bubuyog na siyang nakatutulong sa pag-pollinate ng mga tanim upang mapataas ang produksyon ng sakahan; produksyon ng ‘dwarf saba’ at lakatan; irigasyon para sa dragon fruit kung saan 80% ng sakahan ay mga pananim; at produksyon at pangangalaga ng native goat at native pig.
Ang Silan AgriFarm ay isa sa mga lugar pagsasanay ng Agricultural Training Institute (ATI) kung saan ang mga teknolohiya at inobasyon na makikita sa nasabing farm ay ibinabahagi sa mga bumibisita dito.
Sa hinaharap, inaasahan na ang Silan AgriFarm ay makakakuha ng pormal na pagkilala mula sa Department of Tourism nang sa gayon, ito ay maging isang ganap na farm tourism site.