Ang paggamit ng sistema ng ‘drip irrigation’ ay maaaring magpataas ng ani ng sibuyas at bawang. Ito ay resulta ng proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang drip irrigation ay isang sistema ng pagpapatubig sa mga halaman. Ang tubig na pandilig ay dumaraan sa mga tubo na nakalatag sa ibabaw ng lupa. Ang mga tubong ito ay may maliit na butas na kung saan ang tubig ay lumalabas diretso sa lupa na malapit sa ugat ng mga halaman. Sa drip irrigation, makatitipid ang magsasaka at magiging maayos, mahusay, at naaayon ang pagpapatubig sa pangangailangan ng halaman at sa halumigmig ng lupa.
Ayon sa namumuno ng proyekto mula sa Central Luzon State University (CLSU) na si Dr. Armando N. Espino, Jr., ang mga pagsubok na ginawa sa Nueva Ecija at Ilocos Norte ay nagpakita ng pagtaas ng ani ng sibuyas ng hanggang 32.2 tonelada kada ektarya mula sa karaniwang 23.04 t/ha. Samantala, tumaas ang ani ng bawang sa 6.33 t/ha mula sa karaniwang 5.0 t/ha. Ang mga resultang ito ay mas mataas ng 30 porsyento sa kabuoang produksyon ng sibuyas na 8.7 t/ha at bawang na 3.52 t/ha.
Nagdisenyo ang mga miyembro ng proyekto ng “DRIP Kit” para sa 500 metro kwadrado gamit ang mga angkop na materyales para sa pagtatanim ng sibuyas at bawang. Ang isang DRIP Kit ay nagkahalaga ng ₱9,900. Ito ay mas mura kaysa sa komersyal na drip irrigation system na karaniwang nagkakahalaga mula ₱15,000 hanggang ₱20,000 bawat piraso.
Sinubukan ang drip irrigation system sa serye ng mga eksperimento gamit ang iba’t ibang abono at patubig sa dalawang klase ng kondisyon: sa loob ng ‘greenhouse’ at taniman sa labas o ‘open field.’ Isinama din sa mga eksperimento ang karaniwang ginagawa ng mga nagsasaka ng bawang at sibuyas.
Ang lumabas na pinaka-mahusay na paraan ng patubig ay kapag ang kahalumigmigan ng lupa ay umabot ng 50 % ng ‘total available water’ o TAW. Gumagamit ito ng ‘atmometers’ at mga ‘sensors’ para sa kahalumigmigan ng lupa. Sa resulta ng mga eksperimento, ang paggamit ng mga abono ay hindi nakaapekto sa pagtubo at ani ng sibuyas at bawang.
Nagtala ng mas mataas na ‘water productivity’ ang bawang at sibuyas na ginamitan ng drip irrigation sa loob ng greenhouse at sa open field kumpara sa bawang at sibuyas na ginamitan ng ‘flooding’ na sistema ng irrigasyon. Ang water productivity ay isa sa mga sukatan ng kahusayan ng irrigasyon. Ito ay ang dami ng ani sa bawat metro kubico ng tubig na nakokonsumo.
Ang eksperimento sa greenhouse ay isinagawa sa CLSU sa Nueva Ecija samanatalang ang eksperimento sa taniman sa labas ay ginawa sa Barangay San Agustin, San Jose City, Nueva Ecija. Ginamit ang barayti ng red onion at white garlic para sa mga eksperimento.