Napaunlad ng Community-based Participatory Action Research (CPAR) ang pagsasaka ng palay sa Ilocos Norte. Isinagawa ang nasabing pag-aaral ng Department of Agriculture Regional Field Office 1 (DA-RFO 1) at ng lokal na pamahaalan ng Laoag at Batac.
Pinangunahan ni Mark Ariel Agresor ng DA-RFO 1 ang proyekto na may titulong, “CPAR on Integrated Rice-Based Farming System: An Approach towards Community Driven Agricultural Development in Ilocos Norte.” Isinagawa ang nasabing pag-aaral noong 2012 upang tugunan ang mababang produksyon ng mga tanim sa probinsya.
Sa pamamagitan ng CPAR, ginabayan ng project team ang mga komunidad na nagsasaka ng palay sa pagsusuri sa kanilang mga yaman at mga suliranin sa kanilang pagsasaka. Ginabayan din sila sa pagtukoy ng mga teknolohiya na angkop sa kanilang lugar at kung paano pangasiwaan ang kanilang sistema ng produksyon.
Tatlumpu’t walong magsasaka ang naglaan ng kanilang 20 ektaryang taniman bilang parte ng ‘technology demonstration sites’ o mga lugar na itinalaga upang ipakita ang benepisyo ng mga ginamit na teknolohiya. Dalawang bersyon ng pagtatanim ng halaman at pag-aalaga ng hayop ang ipinapakita sa mga technology demonstration sites: ang ‘rice-rice-mung-bean+cattle fattening’ para sa mga sakahan na may irigasyon o patubig at ‘rice+winged bean-corn+cattle fattening’ para sa mga sahod-ulan na palayan.
Ang mga teknolohiyang ipinakilala sa mga komunidad ay ang ‘integrated nutrient management’; ‘integrated pest management’; at ‘farm waste management’ para sa produskyon ng mga pananim. Kabilang din sa mga teknolohiya ang pagpapahusay sa bahay ng mga hayop, pagpapabuti sa lahi, pakain at pagpapakain, at iba pang mga teknolohiya para sa pagpapataba ng baka.
Sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ito, napataas ang ani ng palay ng 12% sa sakahang may patubig at 21% sa sahod-ulan na palayan. Parehong tumaas ng 16% ang ani sa panahon ng tagtuyot. Tumaas din ng 100% ang produksyon ng munggo; 41% sa produksyon ng mais; at 348% sa produksyon ng sigarilyas. Nakapagtala ng ‘annual net return’ na umabot ng ₱33,728 para sa mga tanimang sahod-ulan at ₱66,394 naman sa mga taniman na may irigasyon.
Nakamit ng 243 na magsasaka ang mga nasabing benepisyo matapos ang apat na taong pagpapatupad at paggamit ng mga teknolohiya sa ilalim ng proyekto.
Sa pamamagitan ng proyekto, nakamit ang pangmalawakang adapsyon at promosyon ng mga rekomendadong teknolohiya sa pagsasaka noong 2016 na ngayon ay tinutuloy ng mga lokal na pamahalaan.