Isang sistema para sa pagpaparami ng magandang kalidad ng mga punla o ‘planting materials’ ng citrus ang maaari na ngayong magamit ng mga nagtatanim ng citrus sa bansa. Ito ay sa pamamagitan ng pagsisikap ng Nueva Vizcaya State University (NVSU).
Kabilang sa sistema ang ‘citrus mother tree foundation’ at ‘budwood increase block.’ Dito nakikita ang mga puno ng citrus na nakatanim sa malalaking paso sa loob ng screenhouse kung saan hindi makapapasok ang mga insekto. Ang mga ‘mother trees’ ay protektado laban sa dalawang klase ng insekto: ang aphids na nagkakalat ng Citrus Tristeza Virus (CTV) at psyllids na nagkakalat ng Huanglongbing (HLB).
Ang CTV ay nakakapagpabansot ng puno at sanhi ng pagliit ng mga bunga nito. Ang HLB naman ay inaapektuhan ang sistemang baskular ng puno kung kaya’t nalilimitahan ang ‘nutrient uptake’ nito kaya bumababa ang produksyon at kalidad ng bunga.
Ang lahat ng ‘mother trees’ ay sinusuri sa mga sakit na CTV at HLB bawat taon upang masiguro na ang mga ‘budwoods’ na ginagamit para sa pagpaparami ng punla ay nanggaling sa malinis na puno ng citrus. Ang mga mother trees ay sinertipikahan ng Bureau of Plant Industry (BPI) at may etiketa na nagsasabi ng pinagmulan nito.
Isinagawa ang sistema sa pamamagitan ng proyektong, “Establishment of quality planting materials production system for citrus in Nueva Vizcaya” na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Napaunlad ang pasilidad ng NVSU, partikular ang ‘nursery’ at ‘screenhouse’ sa pamamagitan ng proyekto. Napalaki rin ang kapasidad ng pasilidad na ngayon ay kaya nang humawak ng 7,000 hanggang 10,000 na punla sa bawat taon kumpara sa 3,000 hanggang 5,000 punla noon.
Ang laboratoryo ng NVSU ay nabigyan din ng makabagong pasilidad sa pamamagitan ng proyekto. Dahil dito, ginagamit ang ‘indexing laboratory’ ng NVSU para sa pagsusuri ng mga mother trees ng Philippine Citrus Resources Development Center (PCRDC) ng NVSU, mga pribadong taniman, at mga nursery sa nasabing probinsya.
Dalawa hanggang tatlong araw lamang ang itinatagal ng pagsusuri ng isang mother tree laban sa mga sakit. Ito ay sa pamamagitan ng ‘molecular-based detection.’
Ang sistema ay sinuportahan din ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Agriculture-Bureau of Agricultural Research (DA-BAR), Commission on Higher Education-Integrated Research Utilization Program (CHED-IRUP), at Department of Labor and Employment-Adjustment Measures Program (DOLE-AMP).