Kasalukuyang binubuo ang mga siyentipikong istratehiya sa pagkontrol ng mapaminsalang SLB sa pamamagitan ng proyektong, “Integrated Management of Sineguelas Leaf Beetle (Podontia quatuordecimpunctata L.) (Chrysomelidae: Alticinae) an Introduced and Emerging Pest of Sineguelas (Spondias purpurea Blanco) in Batangas,” na pinangungunahan ng Department of Agriculture Regional Field Office No. IV-CALABARZON (DA-RFO-IVA) at pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ito ay naglalayong pag-aralan ang distribusyon ng SLB, alamin ang mga organismong maaaring makapuksa o ‘biological control agents’ ng SLB, at idebelop ang mga istratehiya sa pagkontrol nito.
Ang Batangas ay kilala bilang pinakamalaking probinsya na nagtatanim ng sineguelas sa Pilipinas. Sinundan naman ito ng probinsya ng Iloilo. Sa pamamagitan ng proyekto, malalaman ang distribusyon ng SLB at lawak ng pinsala nito sa buong bansa. Ayon kay Dr. Orlando A. Calcetas ng DA-RFO-IVA, ang peste ay makikita sa Batangas, Laguna, at Rizal, ngunit ang pinsala nito ay na-obserbahan na rin sa Gitnang Luzon, Occidental Mindoro, Aklan, Misamis Oriental, at Bukidnon.
Nakapagtala ng halos parehong dami at bigat ng pinsala ng itlog, ‘larva’ o uod, at insekto ng SLB bawat linggo sa San Miguel at Sto. Niño sa Batangas City.
Ipinakita mula sa unang nakolektang datos ang ilan sa importanteng salik sa ‘spatio-temporal distribution’ o distribusyon ng SLB gaya ng mga mas pinipili nitong pagkain, paglalagakan ng itlog, at ang edad at gulang ng mga apektadong dahon.
Napag-alaman na mas maraming itlog ang makikita sa mga matatandang puno kumpara sa mas batang puno. Mas marami namang larva sa loob ng kulandong ng puno, at mas maraming magulang na SLB sa labas ng kulandong ng sineguelas. Hilig din ng SLB ang kumain ng mga bagong usbong at malalambot na nasa wastong gulang na mga dahon.
Napag-alaman din sa proyekto ang ilang potensyal na mga organismo na may kakayahang makapagkontrol o biological control agents ng SLB gaya ng ‘pentatomid bug’ (Eocanthecona furcellata Wolff) para sa larva ng SLB at ‘white muscardine fungus’ (Beauveria bassiana) para sa ‘pupa’ o bahay-uod at magulang na SLB.