Isang proyektong may titulong, “Spore Bank Establishment, Propagation and Conservation of Economically Important Ferns,” ang naglalayong mapangalagaan at maparami ang mga pako na nanganganib nang mawala at mga pako na mahalaga para sa ekonomiya.
Layon ng proyekto na matugunan ang pagbaba ng populasyon ng pako sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga ‘spores’ na maaaring magamit kahit kailan sa buong taon. Ang ‘spore bank’ ay makatutulong para sa matagalang pangangalaga ng mga pako; paggawa ng mga ‘protocols’ sa pagpaparami at pagpapatubo ng pako, at sa pag-debelop ng ‘gametophyte’ at ‘sporophyte’; at ang pagpaparami ng mga pako gamit ang ‘in vitro culture.’ Ang in vitro culture ay ang pagpaparami ng isang organismo o halaman sa pamamagitan ng ‘test tube.’
Ayon sa proyekto, ang malakihang pagpaparami ng pako ay posible sa pamamagitan ng paggamit ng ‘spores.’ Dahil hindi nakagagawa ang mga pako ng mga ‘spores’ sa bawat araw ng isang taon, importante ang pagkolekta at pag-imbak nito sa Spore Bank upang magkaroon ng suplay ng ‘spores.’
Matapos kumolekta ng mga ‘spores,’ ang mga ito ay pinatutuyo bago itago sa mga ‘microtubes,’ sa isang imbakan na mababa ang temperatura para sa pang-matagalang pag-iimbak.
Ang Spore Bank ay matatagpuan sa Spore and Tissue Culture Laboratory ng Natural Science Research Center (NSRC) sa Central Mindanao University (CMU), Bukidnon. Ito ang pinaka-una at natatanging spore bank sa Pilipinas na may 770 koleksyon ng spores galing sa 120 na uri ng pako na nanganganib nang mawala, katutubo sa bansa, ginagamit sa medisina, at mga pandekorasyon.
Bukod sa tulong sa pagpaparami ng pako sa pamamagitan ng pangongolekta ng mga spores, makapagbibigay rin ito ng dagdag kita sa mga magsasaka at mga katutubo.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).