May tatlong pangunahing ‘network’ sa produksyon at ‘supply’ para sa ‘handicraft’ ang bansa.
Ang mga ito ay ang Quezon-Batangas-Camarines, Bohol-Cebu, at Aklan ayon sa isang pag-aaral na may titulong, “Supply Chain Improvement of Commercially Important Forest Vines in Selected Areas in the Philippines.”
Ang mga pangunahing gawain kaugnay ng ‘value chain’ ng mahahalagang baging mula sa kagubatan ay kinabibilangan ng pangangalap, produksyon ng handicraft, pagsasama-sama o pagbubungkos ng baging, at pagkakalakal.
Tinalakay ito sa ‘midterm review’ ng proyekto na pinangunahan ng Socio-Economics Research Division (SERD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Inaasahang makukumpleto ng proyekto ang pagsusuri sa ‘supply chain’ kabilang ang pagtukoy sa mga gawain at proseso; pagsusuri sa pagdaloy ng impormasyon at pagbabayad; pagtitiyak sa mga ‘logistic issues’ gaya ng transportasyon, mga pagkukuhanan ng ‘inputs,’ at pagpapakete; ganon din ang pagtukoy sa mga impluwensya na nakakaapekto sa value chain gaya ng mga polisiya at ordinansa sa pagtatapos nito sa Nobyembre 2019.
Layon ng proyekto na makapagbigay ng mga rekomendasyon para sa pagpapahusay ng supply chain tungo sa pagkakaroon ng mahusay at epektibong produksyon at pagluluwas ng mga baging mula sa mga kagubatan.
Pinangungunahan ni Carolyn C. Garcia ng Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang proyekto.
Sagana ang mga baging mula sa kagubatan ng bansa. Sa katunayan, ang Pilipinas ang pangalawa sa pinakamalakaing ‘producer’ ng handicrafts. Sa kabila nito, ang mga baging, partikular ang mga nanggagaling sa kagubatan, ay isa sa mga produkto na hindi masyadong napag-aaralan dito sa bansa.
Bagama’t maaring sagana ang supply ng baging mula sa mga kagubatan ng bansa, may suliranin pa rin sa ‘export’ dahil sa pagpoproseso at kakulangan ng supply ng ‘raw materials,’ di mahusay na ‘extraction,’ at matinding kumpetisyon mula sa ating mga ASEAN ‘counterparts.’