Itinampok kamakailan ang ‘carrageenan plant growth promoter (PGP)’ para sa palay sa isang ‘Farmers’ Field Day’ na isinagawa sa Cayumbang, Tanay, Rizal.
Ang Farmers Field Day ay bahagi ng proyektong may titulong, “Field Verification Testing of Carrageenan Plant Growth Promoter (PGP) for Enhanced Growth and Induced Pest and Disease Resistance in Rice.”
Isa ang ‘Farmers’ Field Day’ para sa carrageenan PGP sa mga proyektong isinusulong sa pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA), Department of Science and Technology (DOST), at Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng DOST (DOST-PCAARRD).
Ginanap sa DA-Rizal Agricultural Research Experimental Station (DA-RARES) sa Cayumbay, Tanay, Rizal ang pulong. Dumalo ang mga kinatawan ng proyekto mula sa DA, DOST, DOST-PCAARRD, DOST-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI), National Crop Protection Center ng University of the Philippines Los Baños (NCPC-UPLB), at mga magsasaka sa mga munisipalidad ng Tanay, Pililia, at Jalajala, Rizal.
Pinangunahan ang ‘Farmers Field Day’ nina DA Regional Field Office CALABARZON Regional Executive Director Arnel V. de Mesa; DA Regional Technical Director for Research and Regulations Engr. Elmer T. Ferry; DOST CALABARZON Regional Director Alexander R. Madrigal; DOST Rizal Provincial S&T Director Fernando E. Ablaza; DOST-PNRI Atomic Research Division Chief Dr. Lucille V. Abad; at DOST-PCAARRD Senior Science Research Specialist Angelito T. Carpio.
Ibinahagi ng mga ‘farmer cooperators’ ang kanilang karanasan sa carrageenan PGP. Pinatunayan ni Marissa Finuliar, isang ‘farmer cooperator’ galing sa Pililia, Rizal, ang 75 porsyentong pagtaas sa ani ng palay sa kanyang taniman noong tag-ulan ng taong 2018. Nagpakita rin ang kanyang palay ng mas matibay na tangkay, mas mahabang ugat, mas malusog na suwi, at mas mahabang uhay. Dahil sa carrageenan PGP, nagtala siya ng mas mataas na ani sa mas mababang gastos. Bukod dito, mas bumaba ang naitalang insidente ng peste sa taniman ng palay na ginamitan ng carrageenan PGP.
Nagpasalamat si Engr. Ferry sa mga miyembro ng proyekto na nagpapatupad nito. Samantala, ipinaliwanag ni Carpio kung paano nagsimula ang proyekto at ang kahalagahan nito sa pagtaas ng produksyon ng palay sa bansa at kung paano nito matutulungan ang mga magsasaka.
Ipinaliwanag din ni Dr. Abad ang pananaliksik ng DOST-PNRI na nagbunga ng teknolohiya ng carrageenan PGP, ang bisa nito sa pagsasaka ng palay, at ang pag-‘commercialize’ nito.
Hinimok ni Madrigal at ni de Mesa ang mga magsasaka na maniwala sa teknolohiya dahil makatutulong ito sa kabuhayan nila pati na rin sa lokal na ekonomiya.