Madali nang matukoy ang pagkakaroon ng mga bacterial pathogen sa tilapia gamit ang bagong nadebelop na test kit.
Ang pagkakaroon at pagkalat ng mga bacterial pathogen ay maaaring makasira sa industriya ng pagtitilapia. Ang agarang pagtukoy nito ay kailangan para sa wastong ‘diagnosis’ at pag-gamot upang maiwasan ang mga sakit na maaaring idulot nito.
Upang matugunan ito, dinebelop ng Central Luzon State University (CLSU) ang ‘Aerobic Test Kit’ sa ilalim ng proyektong Development of Colloidal Gold Nanoparticles (AuNPs) Immune Assay for the Rapid Detection of Bacterial Pathogens in Freshwater Tilapia Aquaculture na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang nasabing test kit ay ‘DNA-based’ at may kakayahang matukoy ang mga bakteryang Aeromonas hydrophila at Enterococcus faecalis sa tilapia. Ito ay nadebelop gamit ang nanoteknolohiya at mga ‘genome-related’ na teknolohiya.
Ayon sa CLSU, ang test kit ay madaling gamitin, mura, at mabilis na nakukuha ang resulta.
Inaasahang makatutulong ang test kit na ito upang maiwasan ang maagang pagkamatay ng tilapia. Sa pamamagitan nito, mas maagang makapag-sasagawa ng wastong aksyon ang mga nag-aalaga ng tilapia upang maiwasan ang posible pang pagkalat ng mga sakit.