Isang test kit na mura, madali at magaang dalhin, at ‘sensitive’ sa pag-tukoy ng African Swine Fever (ASF) virus ang nadebelop na sinuportahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang test kit na tinawag na ‘ASFv Nanogold Biosensor’ ay maaaring matukoy ang ASF virus mula sa mga ‘sample’ ng dugo ng baboy, ‘surface swab’ galing sa kulungan at mga kagamitan, delivery truck, tubig na sinu-suplay sa alagaan, ‘body fluids’ ng baboy, dumi, at kahit ang mga hilaw, naproseso, at mga produktong de lata.
Importante ang test kit na ito upang mapigilan ang pagkalat ng ASF virus sa Pilipinas lalo na’t itinuturing ng bansa ang karneng baboy bilang isa sa mga pangunahing pagkain na pinagkukuhanan ng protina.
Ang ASF ay kumakalat sa mga may sakit at malulusog na hayop. Maaaring mahawa ang isang baboy sa pamamagitan ng pagpapakain ng kontaminadong karne; sa pagdapo ng garapatang may dalang sakit; sa mga sasakyan, mga materyales, mismong kulungan ng baboy, at sa damit ng nag-aalaga ng baboy na kontaminado ng ASF virus. Kapag nahawa na ang baboy ng ASF, nagkakaroon ito ng lagnat, pamumula ng balat, anorexia o kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, pagtatae, at kapag malubha na, kalauna’y namamatay na ito.
Ginamitan ang ASFv Nanogold Biosensor Test Kit ng loop mediated isothermal amplification (LAMP) primers na tuma-target sa P72, o ang ‘gene’ na responsable sa pagkabit ng ASF virus. Sa nanotechnology naman, ginagamit ang gold nanoparticles upang ma-‘stain’ ang mga produktong na-‘amplify.’ Ang test kit ay may ‘built-in DNA extraction process’ na tumatagal ng isa’t kalahating oras para sa pagsuri ng sampung test samples. Upang ma-amplify ang produkto, ang proseso ay tumatagal ng 30 minuto sa temperaturang 58 degrees Celcius. Kapag nahaluan na ng gold nanoparticles ang amplified na produkto ito ay nagiging kulay lila, na ang ibig sabihin ay positibo sa ASFv. Kung ito naman ay nanatiling kulay pula, ibig sabihin ito ay negatibo.
Kasalukuyang sinusuri at lalo pang pinahuhusay ang test kit ng Central Luzon State University (CLSU) College of Veterinary Science and Medicine.
Ang isang test kit na maaaring makapag-test ng sampung samples ay nagkakahalaga ng P3,500.