Ang mobile application na tinatawag na, “Remote Online Surveillance for Banana (ROSANNA)” ng University of Southeastern Philippines (USeP) ay tinatayang magpapataas ng produksyon ng saging at magpapababa ng gastos sa pagkontrol sa sakit nito.
Ang ROSANNA app ay magsisilbing gabay sa pag-aalaga sa saging gamit ang ‘smartphones.’ Tutulungan ng mobile app ang mga tagapamahala ng bukid sagingan at mga magsasaka upang bantayan at pigilin ang pagkalat ng sakit sa mga sagingan.
Ang proyekto ay sinubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at pinondohan ng “Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy (CRADLE) Program” ng DOST.
Tinutukan ng mobile app ang “Black Leaf Streak,” “Banana Bunchy Top Disease,” at ang iba pang mga sakit ng saging.
Inaasahan ng proyekto na mapataas ang kita ng HIJO Resources Corporation (HRC) sa pamamagitan ng pagpapababa ng pinsalang dulot ng sakit at pagbabawas sa gastusin upang makontrol ang sakit ng saging. Ninanais din ng proyekto na paigtingin ang kolaborasyon sa industriya ng saging sa buong rehiyon ng Davao.
Sa kasalukuyan, ginagamit na ng HRC ang ROSANNA app para bantayan ang mga sakit na pumipinsala sa kanilang sagingan. Pinagusapan na rin ang mga plano kabilang ang mga tuntunin para sa aktwal na paggamit ng app at pagpapalawak sa gamit nito.
Ang proyektong ito ay ibinahagi noong National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) at nagtamo ng ikalawang parangal sa kategoryang “Best Research Paper.”