Tumanggap ang University of Southern Mindanao (USM) ng mga bagong kagamitan para sa malakihang produksyon ng tableya mula sa kakaw sa pamamagitan ng proyektong, “Tablea: Pangkabuhayan Para sa Kotabateňong Pamayanan: Community-Based Tablea Production for Sustainable Livelihood in Cotabato.” Ito ay pinondohan at sinubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang proyektong ito ay bahagi ng “Good Agri-Aqua Livelihood Initiatives towards National Goals (GALING) PCAARRD Kontra COVID-19 Program” bilang pagtugon sa hamon ng pandemya sa mga magsasaka ng kakaw sa probinsya ng North Cotabato, partikular sa mga bayan ng Aleosan, Antipas, at Tulunan.
Ayon sa nangunguna sa proyekto na si Dr. Ardniel A. Baladjay, tutugunan ng proyekto ang pangangailangan ng mga magsasaka ng kakaw sa pamamagitan ng pamamahagi ng kaalaman at kakayahan upang magkaroon ng karagdagang kabuhayan sa panahon ng pandemya.
Ang tatlong bayang nabanggit ay nakatanggap ng: ‘cacao grinder,’ ‘sheller,’ ‘winnower,’ ‘roaster,’ ‘vacuum sealer,’ at isang aparador. Labinlimang piraso ng ‘trays’ at iba pang kasangkapan sa paggawa ng tableya ang naibahagi rin sa bawat lokalidad.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga magsasaka at lokal na opisyales ng Aleosan, Antipas, at Tulunan kina USM ‘President’ Francisco Gil N. Garcia, Dr. Baladjay, at sa DOST-PCAARRD para sa suportang ipinaabot sa pagpapabuti sa industriya ng kakaw.
Ang proyektong ito na tumagal hanggang Marso 2022 ay inaasahang susuporta sa mas maraming magsasaka ng kakaw sa Cotabato.